Nakatakdang bumisita sa Malacañang si United States (US) Secretary of State Marco Rubio para sa courtesy call kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. habang nasa bansa para sa serye ng regional meetings.
Kinumpirma nitong Lunes ni Palace Press Officer Claire Castro ang nakatakdang pagkikita nina Marcos at Rubio, ngunit wala siyang ibinigay na ibang detalye.
Nasa Pilipinas si Rubio mula July 19 hanggang 23 para dumalo sa mga pulong na idinaraos kaugnay ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Hawak ng Pilipinas ang ASEAN chairship ngayong 2026.
Kabilang sa mga aktibidad ni Rubio ang ASEAN Post-Ministerial Conference, East Asia Summit Foreign Ministers’ Meeting at ASEAN Regional Forum Foreign Ministers’ Meeting.
Inaasahang makikipagpulong din ang opisyal ng US sa mga foreign minister at matataas na opisyal mula sa Southeast Asia at mga dialogue partner ng rehiyon.
Nauna nang nag-usap sa telepono sina Marcos at Rubio noong June 1. Tinalakay nila ang regional peace and security, energy security, economic cooperation at iba pang prayoridad ng dalawang bansa.
Treaty allies ang Pilipinas at US sa ilalim ng 1951 Mutual Defense Treaty. Pinalawak din ng dalawang bansa nitong mga nakaraang taon ang kanilang kooperasyon sa regional security, economic resilience at people-to-people ties.
Kasama rin ang Pilipinas at US sa pagpapaunlad ng Luzon Economic Corridor katuwang ang iba pang partner. Layunin ng international infrastructure at supply-chain initiative na pagdugtungin ang Subic Bay, Clark, Metro Manila at Batangas.
Nakatuon ang proyekto sa malalaking pamumuhunan para mapahusay ang koneksyon at mapalakas ang kakayahang makipagsabayan ng rehiyon sa pandaigdigang ekonomiya. /Bistado


