Inihahanda na ng Philippine Crop Insurance Corp. (PCIC) ang halos ₱36 milyong insurance payout para sa 5,005 magsasakang sinalanta ng mga bagyong Luis at Maymay at ng habagat mula August 1 hanggang 11.
Sa initial report kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., sinabi ni PCIC President Jovy Bernabe na inatasan na ang mga regional office na beripikahin ang mga pinsala at bilisan ang pagproseso ng claims.
Umabot sa ₱35.67 milyon ang paunang halaga ng insured damage sa anim na rehiyon.
Pinakamarami ang apektadong magsasaka sa Central Luzon na may 1,836, sinundan ng Ilocos Region na may 1,218 at Mimaropa na may 836.
Naitala sa Ilocos Region ang pinakamalaking insured damage na ₱9.89 milyon. Sumunod ang Central Luzon na may ₱8.80 milyon at Mimaropa na may ₱7.56 milyon.
Umabot naman sa ₱5.04 milyon ang pinsala sa Calabarzon, ₱3.47 milyon sa Cagayan Valley at ₱920,000 sa Western Visayas.
Palay ang may pinakamalaking insured loss na ₱25.60 milyon. Tinatayang ₱3.73 milyon naman ang pinsala sa high-value crops at ₱3.55 milyon sa mais.
“Kailangan nating agad na tumugon sa pangangailangan ng ating mga magsasaka at mangingisda matapos ang bawat kalamidad upang mabilis silang makabangon at maipagpatuloy ang kanilang kabuhayan,” ani Tiu Laurel.
Mahalaga umano ang agarang payout para makapagtanim muli ang mga magsasaka at mapondohan ang susunod na production cycle.
“Pinaiigting natin ang ating mga pagsisikap na masuri ang mga pinsala, maproseso ang mga claim, at mas mabilis na maihatid ang insurance assistance upang agad na makabangon ang ating mga magsasaka at makabalik sa produksyon,” ani Bernabe.
Patuloy ang field validation kaya maaari pang magbago ang bilang ng beneficiaries at halaga ng pinsala.
Ayon kay Bernabe, maaaring makakuha ng premium-free crop insurance ang mga magsasaka at mangingisdang nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).
Kailangan lamang nilang magpatala sa PCIC tuwing planting season o kapag nagsisimula ng bagong livestock cycle. Maaari ring saklawin ng insurance ang farm equipment at iba pang agricultural assets. /Bistado


