Palaisipan pa rin sa napakaraming viewers ng malaganap na noontime show na It’s Showtime ang halos dalawang buwang pagkawala sa programa ng itinuturing na “Kapitan” ng programa na si Vice Ganda.
Walang makapagsabi o nagsasalita man lang kung nasuspende daw ba ito o nagkaroon ng isyu sa management o mga kasamahan niya o sadyang humingi lang ito ng bakasyon mula sa programa.
May nagsasapantaha ding baka itinuloy na nila ng partner niyang si Ion Perez ang ipinayo ng mga doktor sa kanila na magpahinga ng matagal para sa binabalak nilang magkaroon ng anak through a surrogate mother.
May mga fans ding umaasa na sana ay naayos na raw ang napapabalitang gusot diumano sa management ng show at GMA 7 na siyang pinaniniwalaang pinaka- dahilan daw ng pagkawala ni Vice sa show ng mahabang panahon.
Whatever reason or reasons they have ni Ion, balik programa na nga si meme Vice kaya’t sure na naman daw ang bonggang hagalpakan at kakaibang saya ng madlang pipol.
In fact, nagtrending agad ang pagbabalik ni Vice sa Kapamilya noontime show nitong Sabado dahil bukod sa na-miss siya nang bonggang-bongga ng kanyang mga “ponies” (fans) ay umariba agad ng kuda ang sikat na award-winning actor-host.
“Yun ang na-miss namin. Yung mga banat at tirada niya sa mga isyu sa buhay. Mapa-gobyerno man o simpleng tao. Iba talaga ang show kapag nandiyan siya,” litanya ng mga viewers.
Agad ngang nag-viral ang ginawa niyang pasaring sa kontrobersyal na pulitiko na umano’y nahuli sa Prague.
Sa segment nilang “Laro, Laro, Pick” ay kumuda si Vice ng, “Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay….mahuhuli sa Czech Republic!”
Hagalpakan ang mga tao sa studio. Nahulaan agad ng solid Showtimers ang hanash na ito ni Meme.


