Pasado ka ba o ang anak mo sa UPCAT? Pwede mo nang macheck ngayong araw!
Lumabas na kasi ang resulta ng University of the Philippines College Admission Test o UPCAT para sa Academic Year 2026–2027, ayon sa anunsyo ng UP Office of Admissions nitong April 22.
Ayon sa opisyal na pahayag ng UP, “The UPCAT 2026 results are now available for incoming new first-year students for AY 2026-2027.”
Maaaring tingnan ng mga aplikante ang kanilang resulta sa pamamagitan ng online portal ng unibersidad. Batay sa anunsyo, “Please click on the ‘UPCAT 2026 APPLICATION STATUS’ button to view the results. Login using the application portal credentials.”
Pinayuhan din ang mga pumasa na agad kumpirmahin ang kanilang slot. “For qualifiers, please reply to the offer on or before 16 MAY 2026.”
Isa ang UPCAT sa pinaka-kompetitibong entrance exam sa bansa, kung saan libo-libong estudyante ang nag-aaplay bawat taon para makapasok sa UP System. Ayon sa UP Office of Admissions, ang pagsusulit ay binubuo ng apat na bahagi: “Language Proficiency (in English and Filipino), Reading Comprehension (in English and Filipino), Science, and Mathematics.”
Ang magiging basehan ng admission ay hindi lang ang score sa exam kundi pati ang academic performance ng aplikante. “Standardized UPCAT scores are combined with the composite of final grades in Grades 8 to 11 to determine the admission score (“UPG”).”
Dagdag pa rito, isinasaalang-alang din ang iba pang salik sa pagpili ng mga qualifier. “Socio-economic and geographic considerations are factored in the selection of campus qualifiers.”
Pinaalalahanan din ang mga aplikante na gamitin ang parehong email account na ginamit sa aplikasyon para makita ang resulta. “You will need the same email account that you used for application to view your application results.”
Para sa mga hindi nakapasa, may iba pang opsyon na maaaring pagpilian tulad ng pag-apply sa ibang programa o pag-transfer sa hinaharap, ayon sa mga nakaraang patakaran ng unibersidad.
Samantala, hinikayat ng UP ang mga qualifier na sundin ang mga instruksyon ng kanilang natanggap na unit o kolehiyo para sa enrollment process. “If you qualify for admissions to the University, register according to the instructions provided by the college or unit to which you have been accepted.” /Bistado


