Lumobo nang higit sampung beses ang idineklarang net worth ni Vice President Sara Duterte mula 2007 hanggang 2024, bagay na naging sentro ng tanungan sa pagdinig ng House Committee on Justice nitong April 22.
Mula P7,250,497 noong 2007, umabot sa P88,512,370.22 ang kanyang net worth noong 2024. Katumbas ito ng pagtaas na P81,261,873.22 o 1,120.78 percent, base sa mga Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) na isinumite at tinalakay sa pagdinig.
Ang mga numerong ito ay binusisi nina Manila Rep. Joel Chua at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima, kasama si Atty. Karen Batu ng Office of the Ombudsman na nagbigay ng mga rekord.
Isa-isang binasa ni Chua ang mga datos. Noong 2007, nasa P7,250,497 ang net worth. Tumaas ito sa P18,493,616.65 noong 2008, P18,821,264.65 noong 2009, bumaba sa P16,242,886.65 noong 2010, P14,271,148.45 noong 2011, at muling umakyat sa P22,116,101.93 noong 2012.
Sa mga sumunod na taon, umabot ito sa P34,895,997 noong 2016, P44,828,759 noong 2017, at P49,699,728 noong 2018. Sa joint SALN kasama ang asawa niyang si Manases Carpio, umabot ito sa P55,613,051 noong 2019, P56,583,735.10 noong 2020, P65,308,841 noong 2021, P71,658,841 noong 2022, P77,508,841 noong 2023, at P88,512,370.22 noong 2024.
Ngunit hindi lang ang pagtaas ng yaman ang pinansin. Tinukoy rin ang pagkawala ng deklaradong cash assets matapos ang 2018.
“Yung tungkol po doon sa wala na pong naipagkita o wala na pong nai-declare or re-report na cash in bank or cash on hand from 2019 to 2024. Pero nung mga una ay mayroon mga re-report na mga cash on hand or cash in bank,” ani De Lima.
Dagdag niya, “Para sa akin po ang biglaan at tuloy-tuloy na pagkawala ng deklarasyon ng liquid assets. Because cash on hand and cash in bank are liquid assets. Sa kabila ng dati meron naman ng mga halaga ng mga cash on hand, cash in bank ay nagdudulot ng pagdududa sa kawastuhan at kabuuan ng subsequent SALNs ni VP Sara.”
Kinuwestyon din ang pagbabago sa liabilities. “Kapansin-pansin po na mula 2021, tanging ang kanyang asawa na si Meneses Carpio ang may dineklarang liabilities at wala ng inipulat na utang o liability ni VP. Mako-confirm mo ba yan?” tanong ni De Lima.
Kinumpirma ito ni Batu. “Based on the submitted 2022 SALN of the Vice-President, the liabilities stated or declared therein was a personal loan of Meneses Carpio. That’s all, Your Honor, for the 2022 SALN.” Ganito rin aniya ang entries para 2023 at 2024.
Sa huli, diretsong sinabi ni De Lima ang obserbasyon: “Ang ganitong mabilis at medyo malaking pagtaas ng yaman with the absence of declared liquid assets and the diminution or transfer of liabilities, ay nagbubunsod ng seryoso rin pagdududa hinggil sa veracity, transparency, and integrity of the Vice-President’s financial disclosures.”
Habang tinatapos ni Chua ang paglatag ng mga numero, maikli ngunit matalim ang kanyang reaksyon: “E di wow.” /Bistado


