Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

UP Law, naglabas ng patakaran sa paggamit ng AI ng freshies

Hihigpitan ng University of the Philippines College of Law (UP Law) ang paggamit ng artificial intelligence (AI) at mga elektronikong kagamitan ng first-year Juris Doctor (JD) students simula Academic Year 2026-2027.

Inaprubahan ng regular faculty ng UP Law noong August 4 ang patakarang naglalayong ituon muli ang pagsasanay sa legal analysis, pananaliksik, pangangatwiran at pagsusulat.

Ayon sa kolehiyo, kasabay ng regular na paggamit ng AI sa case briefing, pananaliksik at pagsagot sa klase ang kapansin-pansing paghina ng kalidad ng reasoning at argumentation ng ilang estudyante. May kahalintulad din umanong puna ang mga employer sa mga bagong graduate.

Babala ng UP Law, “many of our students have not just become AI-literate but AI-dependent.”

Hindi naman tuluyang ipinagbabawal ng kolehiyo ang AI. Kinikilala nitong kailangan ang paghahanda sa etikal na paggamit nito sa legal profession, ngunit iginiit na “these tools at best supplement strong analytical skills.”

Sa ilalim ng patakaran, hangga’t maaari ay gagawing offline at onsite ang first-year core subjects na karaniwang isinasama sa Philippine Bar Examination. Papayagan lamang ang online instruction sa mga natatanging sitwasyon, make-up class o kapag nagbigay ng exception ang dean.

Bawal sa onsite core classes ang cellphone, laptop, tablet, smartwatch, smart glasses, recorder at iba pang digital o electronic device—kahit para sa pagkuha ng notes. Maaari lamang itong gamitin kung kailangan sa isang aktibidad o may paunang pahintulot ng guro dahil sa natatanging sitwasyon.

Maaaring magpataw ang faculty ng academic penalty at magsimula ng disciplinary action laban sa lalabag.

Ang major assessments gaya ng midterm at final examinations ay isasagawa nang indibidwal, offline at onsite. Nasa faculty pa rin ang pasya kung magkakaroon ng open-book examination o “clean desk” recitation.

Mahigpit ding ipinagbabawal ang pag-asa sa generative AI sa anumang bahagi ng writing assignments tulad ng academic papers at legal memoranda—mula conceptualization at research hanggang pagsusulat, editing at grammar checking. Bawal din ang research o law databases na pangunahing nakasalalay sa AI.

Maaari lamang ipakilala ng guro ang AI-based research tools kung naaayon sa patakaran, inendorso ng Legal Research Cluster at naituro at nasuri na ang kaalaman ng mga estudyante sa research fundamentals.

Kapag pinayagan ang limitadong paggamit, kailangang aktibong bantayan ng faculty ang mga estudyante. Dapat ding magsumite ang mga ito ng detalyadong disclosure tungkol sa kanilang output at mga draft, pati na rin sa saklaw ng teknolohiyang ginamit. Hinihikayat din ang paggamit ng honor statements at undertakings.

Sa onsite assessments ng core subjects, maging ang pagdadala lamang ng digital o electronic device sa katawan ay ituturing na paglabag sa academic integrity at maaaring humantong sa pormal na disciplinary action.

Babantayan ng Faculty Colloquium on Technology, Legal Education and Law Practice ang pagsunod at epekto ng patakaran. Nakatakda rin umano maglabas ang kolehiyo ng kasunod na katumbas na panuntunan para sa higher-year subjects. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles