Bahagyang bumagal sa 6.2 porsiyento ang inflation ng Pilipinas noong July 2026, ngunit nananatiling mabigat sa bulsa ang pagkain, kuryente at transportasyon, lalo na para sa mga pamilyang kapos sa kita.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), mas mababa ang July inflation kaysa 6.4 porsiyento noong June at 6.8 porsiyento noong May. Gayunman, malayo pa rin ito sa 0.9 porsiyentong naitala noong July 2025.
Pumalo sa 5.0 porsiyento ang average inflation mula January hanggang July 2026. Pasok ang July figure sa 5.6 hanggang 6.6 porsiyentong forecast ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ngunit lampas pa rin sa target range na 2 hanggang 4 porsiyento.
Pangunahing nagpabagal sa inflation ang transportasyon, na bumaba ang taunang pagtaas ng presyo sa 11.9 porsiyento mula 12.8 porsiyento noong June. Bumagal din ang inflation sa education services sa 1.9 porsiyento mula 4.0 porsiyento, at restaurants and accommodation services sa 6.8 porsiyento mula 7.0 porsiyento.
Ngunit mas mabilis ang pagtaas ng presyo sa alcoholic beverages and tobacco; pabahay, tubig, kuryente, gas at iba pang fuel; household equipment at maintenance; kalusugan; information and communication; recreation, sport and culture; at personal care at iba pang serbisyo.
Pinakamalaking ambag sa kabuuang inflation ang food and non-alcoholic beverages na may 32.1 porsiyentong bahagi o 2.0 percentage points. Sumunod ang pabahay, tubig, kuryente, gas at iba pang fuel sa 26.8 porsiyento o 1.7 percentage points, at transportasyon sa 17.4 porsiyento o 1.1 percentage points.
Nanatili sa 5.3 porsiyento ang food inflation. Nanguna sa nagtulak nito ang cereals at cereal products, kabilang ang bigas, mais, harina, tinapay at pasta, na may 74.4 porsiyentong bahagi o 3.9 percentage points. Sumunod ang isda at iba pang seafood sa 25.1 porsiyento, at mga gulay, root crops, plantain, cooking banana at pulses sa 13.9 porsiyento.
“The uptrend in the food inflation was mainly due to the faster annual increase in the rice index at 19.3 percent in July 2026 from 17.0 percent in the previous month,” ayon sa PSA.
Umakyat naman sa 8.2 porsiyento mula 8.1 porsiyento ang inflation sa pabahay, tubig, kuryente, gas at iba pang fuel. Umabot sa 16.9 porsiyento ang pagtaas sa gastos sa kuryente—pinakamataas sa loob ng tatlong taon at malapit sa 17.3 porsiyentong naitala noong March 2023.
Bumagal sa 4.2 porsiyento mula 4.4 porsiyento ang core inflation, na hindi kabilang ang piling pabago-bagong presyo ng pagkain at enerhiya. Mas mataas pa rin ito sa 2.3 porsiyento noong July 2025.
Sa National Capital Region (NCR), bumagal ang inflation sa 4.4 porsiyento mula 4.9 porsiyento. Pangunahing dahilan nito ang pagbagal ng pagtaas sa gastos sa pabahay at utilities sa 7.9 porsiyento mula 9.8 porsiyento.
Sa mga lugar sa labas ng NCR, bahagyang bumagal ang inflation sa 6.7 porsiyento mula sa revised na 6.8 porsiyento. Sa 17 rehiyon, pinakamataas ang inflation sa Central Visayas sa 8.7 porsiyento, habang pinakamababa sa Ilocos Region sa 5.1 porsiyento.
Mas mabigat ang tama sa bottom 30 percent ng mga sambahayan, kung saan umakyat ang inflation sa 8.2 porsiyento noong July mula 8.0 porsiyento noong June. Umabot sa 5.9 porsiyento ang average nito mula January hanggang July dahil mas malaking bahagi ng gastusin ng mahihirap na pamilya ang napupunta sa pagkain.
“While challenges remain, particularly in managing food price pressures, these results show that our interventions are making a difference in easing the impact on Filipino households,” ani Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan.
“While inflation is moving in the right direction, our work is far from over. We will continue advancing measures to keep essential goods affordable while creating more opportunities for a better quality of life,” dagdag niya.
Nauna nang itinaas ng BSP nang 25 basis points sa 4.75 porsiyento ang benchmark target reverse repurchase rate dahil sa nananatiling mataas na inflation. /Bistado


