Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Nitong June: May trabaho dumami, pero jobless rate umakyat sa 4.9%

Umakyat sa 4.9 porsiyento ang unemployment rate ng Pilipinas noong June 2026 kahit nadagdagan ang bilang ng mga may trabaho—senyales ng magkahalong galaw sa labor market habang mas maraming Pilipino ang pumasok o naghanap ng puwesto sa workforce.

Batay sa Labor Force Survey (LFS) ng Philippine Statistics Authority (PSA), tinatayang 2.59 milyong Pilipino ang walang trabaho noong June, mas mataas sa 2.50 milyon noong May at 1.95 milyon noong June 2025. Katumbas ito ng pagdagdag ng 640,000 jobless kumpara noong nakaraang taon.

Mas mataas din ang unemployment rate kaysa 4.8 porsiyento noong May at 3.7 porsiyento noong June 2025.

Kasabay nito, umakyat sa 50.66 milyon ang may trabaho mula 49.63 milyon noong May at 50.47 milyon noong June 2025. Gayunman, bahagyang bumaba ang employment rate sa 95.1 porsiyento mula 95.2 porsiyento noong May at 96.3 porsiyento noong nakaraang taon.

Lumawak sa 53.25 milyon ang labor force—mga Pilipinong edad 15 pataas na may trabaho o aktibong naghahanap nito—mula 52.13 milyon noong May at 52.42 milyon noong June 2025.

Dahil dito, umakyat sa 65.1 porsiyento ang labor force participation rate (LFPR) mula 63.8 porsiyento noong May, ngunit mas mababa pa rin sa 65.7 porsiyento noong June 2025. Ipinakikita ng mga bilang na dumami ang pumasok sa labor market, subalit hindi lahat ay agad nakahanap ng trabaho.

Pinakamalaking employer ang services sector na may 62.7 porsiyentong bahagi sa kabuuang employment. Sumunod ang agriculture sa 20.0 porsiyento at industry sa 17.3 porsiyento.

Sa mga sub-sector, nanguna ang wholesale at retail trade at repair of motor vehicles and motorcycles sa 19.6 porsiyento ng mga may trabaho. Sinundan ito ng agriculture and forestry sa 17.7 porsiyento at construction sa 9.7 porsiyento.

Pinakamalaki ang taunang dagdag na trabaho sa accommodation and food service activities, 481,000; administrative and support service activities, 456,000; public administration and defense at compulsory social security, 440,000; education, 354,000; at arts, entertainment and recreation, 168,000.

Samantala, pinakamalaking taunang bawas ang naitala sa wholesale at retail trade at repair of motor vehicles and motorcycles, 903,000; fishing and aquaculture, 467,000; financial and insurance activities, 195,000; construction, 139,000; at human health and social work activities, 94,000.

Kumpara noong May, pinakamalaking dagdag-trabaho ang naitala sa agriculture and forestry, 453,000; other service activities, 437,000; public administration and defense, 393,000; wholesale and retail trade, 213,000; at education, 150,000.

Pinakamalaking buwanang pagbagsak naman ang nangyari sa fishing and aquaculture, 207,000; manufacturing, 185,000; mining and quarrying, 106,000; human health and social work activities, 104,000; at accommodation and food service activities, 104,000.

Karamihan o 64.1 porsiyento ng workforce ay wage and salary workers. Sumunod ang self-employed na walang bayarang empleyado sa 26.9 porsiyento, unpaid family workers sa 7.4 porsiyento at employers sa sariling family-operated farm o negosyo sa 1.6 porsiyento.

Sa wage and salary workers, 77.6 porsiyento ang nasa private establishments, habang 15.4 porsiyento ang nagtatrabaho sa gobyerno o government-controlled corporations.

Bahagyang bumaba sa 12.1 porsiyento ang underemployment rate mula 12.2 porsiyento noong May, ngunit mas mataas sa 11.4 porsiyento noong June 2025. Tinatayang 6.11 milyon ang naghahangad ng mas mahabang oras, dagdag na trabaho o bagong trabahong may mas mahabang oras.

Sa mga underemployed, 51.9 porsiyento ang nagtrabaho nang mas mababa sa 40 oras kada linggo, habang 48.1 porsiyento ang nagtrabaho nang 40 oras o higit pa.

Nasa 40.6 oras ang average weekly hours worked, mas mababa sa 41.1 oras noong May ngunit bahagyang mas mataas sa 40.5 oras noong June 2025. Tinatayang 90,000 manggagawa ang nakapagtrabaho lamang nang eksaktong isang oras sa loob ng isang linggo.

Sa kabataang edad 15 hanggang 24, umakyat sa 33.7 porsiyento ang LFPR. Bumaba naman sa 86.5 porsiyento ang youth employment rate mula 87.6 porsiyento noong May at 90.6 porsiyento noong June 2025. Sa 6.28 milyong kabataang may trabaho, 743,000 ang underemployed. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles