Naghahanda na ang Pilipinas sa pagho-host ng Under-18 Men’s Softball Asia Cup sa Clark, Pampanga sa Disyembre 1 hanggang 7, na magsisilbi ring qualifying tournament para sa 2027 WBSC (World Baseball Softball Confederation) World Cup.
Tampok sa torneo ang ilang taong pagsisikap ng Amateur Softball Association of the Philippines (Asa-Phil) na palakasin ang mga grassroots program, paunlarin ang mga atleta at bigyan ang mga batang Pilipino ng mas maraming pagkakataong makipagkumpitensya sa pandaigdigang antas.
“For many years, our athletes traveled abroad to compete against the best in the region. This December, we will welcome Asia’s rising softball stars to the Philippines,” pahayag ni Asaphil president Jean Henri Lhuillier sa isang press conference sa Makati City kamakailan.
“This is a significant moment for Philippine softball. It gives our athletes the chance to compete on home soil, inspires the next generation, and allows us to showcase the Philippines as a destination capable of hosting international sporting events.”
Higit pa sa pagsama-sama ng mga atleta, coach, opisyal, pamilya at tagasuporta mula sa iba’t ibang panig ng Asya, magbibigay rin ang torneo ng pagkakataon upang isulong ang sports tourism at maipakita ang kakayahan ng Clark na mag-host ng mga pandaigdigang pampalakasan.
Nakapagtatag ang Asa-Phil ng mga programang nagbibigay ng mga pagkakataon sa mga manlalaro sa buong bansa na makapasok sa mga kompetisyon, kabilang ang taunang National Championship.
Ngayong taon, pinalalawak pa ng asosasyon ang mga pagsisikap na ito sa pamamagitan ng pagdadala ng mga kompetisyon sa mas malapit sa mga komunidad sa tulong ng mga regional tournament.
Sa ganitong paraan, mas maraming batang atleta mula sa mga lalawigan ang magkakaroon ng pagkakataong lumahok, hasain ang kanilang kakayahan at makakuha ng karanasan sa mga kompetisyon.


