Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Ginebra, tinambakan ang ROS; Magnolia lider na ng Group B

Nagpasabog si Jordan Murphy sa kanyang debut sa Barangay Ginebra matapos magtala ng 30 puntos, 13 rebounds, pitong assists, apat na blocks, isang steal at walang turnover upang durugin ng Gin Kings ang Rain or Shine Elasto Painters, 129-111, nitong Biyernes ng gabi sa pagpapatuloy ng PBA Season 50 Governors’ Cup sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.

Ang 29-anyos na Amerikano, na kinuha upang palitan si Riley Grigsby, ay nagmukhang ilang taon nang naglalaro sa sistema ni coach Tim Cone.

Nagtayo agad ang Kings ng 40-19 na kalamangan matapos ang unang quarter at hindi na lumingon pa. Lumobo hanggang 33 puntos ang kanilang bentahe, 106-75, sa huling bahagi ng ikatlong quarter.

Nagpasiklab din si RJ Abarrientos na may game-high na 34 puntos at siyam na assists, na nanguna sa opensiba ng rumagasang Ginebra upang maputol ang kanilang dalawang sunod na pagkatalo at wakasan ang apat na sunod na panalo ng Rain or Shine.

Ganti rin ito para sa Ginebra matapos manaig ang Rain or Shine, 110-99, sa una nilang paghaharap.

Umakyat sa 3-4 ang Ginebra at nakatabla sa ikaapat na puwesto sa Blackwater sa Group B, habang natitira pa sa kanila ang tatlong laro kontra Magnolia, Phoenix at Blackwater.

Bumagsak naman sa 4-3 ang Elasto Painters at nawala sa kanila ang pamumuno sa grupo. Hawak na ngayon ng Magnolia, na nanalo sa unang laro, ang liderato sa bisa ng 5-3 kartada.

Bago ang pahinga sa liga noong Agosto, kapos sa mga manlalaro ang Ginebra at dalawang beses natalo. Naglingkod noon sa pambansang koponan sina Cone, assistant coach Richard Del Rosario at ilang Gin Kings.

Sa unang laro, ipinamalas ng Magnolia ang mala-playoffs na mentalidad sa kanilang rematch kontra Blackwater upang makuha ang ikaapat na sunod na panalo, 107-101.

Pinagtibay ng import na si KJ Buffen ang kanyang produksiyong 24 puntos at 20 rebounds sa pamamagitan ng sunod-sunod na limang puntos na nagpalobo sa kalamangan ng Magnolia sa 105-97, at napigilan ang paglapit ng Blackwater sa huling dalawang minuto at 10 segundo ng laro.

Huling nagtangkang humabol ang Blackwater nang ilapit nina Kentrell Barkley at Sedrick Barefield ang Bossing sa 101-105, may 39 segundo pang nalalabi. 

Ngunit nanatiling matatag ang Magnolia matapos ang steal ni Chris Koon na nagbigay-daan sa mga free throw ni Jerom Lastimosa para sa pinal na iskor, may 3.6 segundo pang natitira.

“They know how important these next three games are for us. They know how important this homestretch is,” ani Magnolia coach LA Tenorio.

Nanguna si Barefield sa Bossing sa kanyang 24 puntos, habang nagdagdag si Barkley ng 20 puntos, 13 rebounds at game-high na walong assists.

Sa ikatlo pa lamang niyang laro mula nang bumalik, nag-ambag si Mike DiGregorio ng 15 puntos, habang nagdagdag si RK Ilagan ng 13 para sa Bossing.

The scores:

First Game

MAGNOLIA 107 – Buffen 24, Lastimosa 24, Lucero 17, Koon 9, Andrada 9, Sangalang 7, Gomez de Liano 7, Barroca 6, Dela Rosa 4, Laput 0, Alfaro 0.

BLACKWATER 101 – Barefield 24, Barkley 20, DiGregorio 15, Ilagan 13, Panopio 9, Demusis 8, Una 6, Cruz-Dumont 2, Murrell 2, Tratter 2, Escoto 0, David 0, Mendoza 0, Austria 0.

Quarters: 23-25; 53-50; 84-75; 107-101

Second Game

GINEBRA 129- Abarrientos 34, Murphy 30, Holt 14, Rosario 14, J. Aguilar 8, Cu 8, Go 7, Gray 6, Thompson 6, Torres 2.

RAIN OR SHINE 111- Fuller 23, Cuajao 19, Nocum 15, Malonzo 14, Caracut 12, Tiongson 8, Pringle 7, Clarito 5.

Quarters: 40-19; 73-46; 106-75; 129-111

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles