Aminadong mahirap ngunit pipilitin ng TNT at Rain Or Shine na makuha ang 2-0 lead sa PBA Commissioner’s Cup semifinals ngayong Biyernes sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nanalo ang Tropang 5G kontra Meralco Bolts, 94-89, at Elasto Painters laban sa Barangay Ginebra Gin Kings, 115-111, sa pag-uumpisa ng best-of-seven series noong Miyerkules.
First game simula 5:15 p.m. ang Ginebra-ROS, na susundan ng 7:30 p.m. paghaharap ng TNT-Meralco.
Sa panig ng Bolts, ang tunay na problema ay kung paano mapipigilan ang pangunahing kombinasyon ng TNT na sina import Bol Manute Bol, Calvin Oftana, Rey Nambatac, Roger Pogoy at Jordan Heading.
Nakarekober na sina Pogoy at Heading mula sa injury.
“That’s really a lineup we like going to because it’s pretty hard to match up and defend that lineup,” ani TNT coach Chot Reyes.
“We were struggling the whole conference trying to find that combination and that balance. But remember we were never fully healthy in the eliminations.”
Sa Game 1, gumawa si Pogoy ng 21 puntos at kumuha ng siyam na rebounds habang nagtala naman si Oftana ng 14 puntos at 11 rebounds.
Si Heading ay umiskor ng 16 puntos.
Si Bol pa rin ang bida matapos magtala ng 37 puntos, 11 rebounds, walong assists at anim na blocked shots.
Para sa Ginebra, ang Game 2 ay tungkol sa pride at adjustment. Para sa ROS, ito ay patunay na hindi lang tsamba ang Game 1.
Hindi siguradong maglalaro sina Caelan Tiongson at Luis Villegas para sa ROS dahil sa sari-saring injury.
“Tignan natin kung hanggang saan kami makakarating,” ani ROS coach Yeng Guiao.


