Matapos ang perpektong unang dalawang kumperensya ng 2025-2026, karapat dapat lamang na pararangalan si Rald Ricafort ng PLDT bilang Coach of the Year sa 2nd Pilipinas Live Premier Volleyball League (PVL) Press Corps Awards Night.
Gaganapin ang pagtitipon sa Novotel Manila Araneta City sa Quezon City sa Mayo 30.
Nakumpleto ng PLDT High Speed Hitters ang sweep sa kauna-unahang PVL on Tour upang makamit ang kanilang unang pro crown.
Pinalawig pa ang unbeaten run hanggang sa Invitationals, kung saan nagtala ang PLDT ng 15-game winning streak.
Tumanggap si Ricafort ng kabuuang 11 puntos mula sa average na 7.8 media votes at 3.2 team votes upang malampasan ang dating coach ng Cignal na si Shaq Delos Santos at si Sherwin Meneses ng Creamline.
Sa ilalim ni Ricafort, pumang-apat ang High Speed Hitters sa Reinforced Conference at nakuha ang kauna-unahang bronze medal sa All-Filipino ngayong taon.
Samantala, Creamline Cool Smashers ang ikalawang sunod na Team of the Year.
Nakapagtala ang Creamline ng kabuuang 10.4 puntos – 6.0 mula sa media at 4.4 mula sa team votes – upang ungusan ang PLDT at Cignal.
Ang Cool Smashers ang kampeon sa 2026 All-Filipino Conference.
Sa Spikers’ Turf naman, ang Criss Cross King Crunchers ang bagong pamantayan ng liga.
Noong nakaraang Nobyembre, sinungkit nila ang kauna-unahang titulo kontra Kindai University ng Japan sa 2025 Invitational Conference.
Naipagtanggol din ng King Crunchers ang 2026 Open Conference title matapos pabagsakin ang sa pangunguna ng five-time Conference Most Valuable Player Jude Garcia.
Nagkaisang ibinoto ng print at online media ang King Crunchers bilang Team of the Year at si Tai Bundit bilang Coach of the Year.


