Lumakas ang ambag ng Tanduay Distillers, Inc. sa kita ng Lucio Tan Group, Inc. (LTG) matapos magtala ang grupo ng panibagong record earnings noong 2025.
Umabot sa P30.98 bilyon ang consolidated attributable income ng LTG noong 2025, mas mataas ng 7 porsyento kumpara sa P28.92 bilyon noong 2024. Ito na ang ikaapat na sunod na taon ng record earnings ng conglomerate.
Malaki ang naging papel ng Tanduay sa paglago na ito. Nagtala ang kumpanya ng net income na P3.12 bilyon noong 2025, tumalon ng 45 porsyento mula sa P2.15 bilyon noong 2024. Ito na rin ang ikaanim na sunod na taon ng record profits ng kumpanya.
Dahil dito, lumaki ang ambag ng Tanduay sa kabuuang kita ng LTG, mula 7 porsyento noong 2024 ay umakyat sa 10 porsyento noong 2025.
Ayon kay Lucio Tan III, presidente ng LTG at Tanduay, “Tanduay’s continued growth reflects its strength as a brand and the trust of our consumers. Achieving six consecutive years of record profits also shows the efficiency of our teams across the organization and their focus on delivering quality products for Tanduay’s increasing consumer base.”
Umabot sa P34 bilyon ang net revenues ng Tanduay noong 2025, bahagyang mas mataas sa P33.85 bilyon noong 2024. Iniuugnay ito sa mas maayos na pricing strategies at pinahusay na operasyon.
Bumaba naman ang cost of sales sa P28.12 bilyon mula P28.92 bilyon noong nakaraang taon. Dahil dito at sa mas mataas na presyo ng produkto, umangat ang gross profit margin ng kumpanya sa 17 porsyento mula 15 porsyento.
Sa merkado, lalo pang pinalakas ng Tanduay ang posisyon nito sa bansa. Umakyat sa 39.5 porsyento ang national market share nito noong 2025 mula 34.2 porsyento noong 2024.
Nanatiling dominante ang kumpanya sa Visayas na may 70.4 porsyento na bahagi ng merkado, at lalo pang malaki sa Mindanao na may 82.9 porsyento.
Sa susunod na mga taon, target ng Tanduay na palawakin pa ang presensya nito sa ibang bansa. Layunin nitong dagdagan ang availability ng produkto sa mas maraming merkado at samantalahin ang tumataas na demand para sa premium spirits sa buong mundo.
Sa kasalukuyan, available na ang Tanduay sa iba’t ibang bansa kabilang ang Australia, Japan, United States, United Kingdom, at United Arab Emirates, bukod pa sa iba pang merkado sa Europa at Asya. /Bistado


