Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

‘P73.287-M disallowance sa OVP confi funds, seryosong isyu ng pananagutan’ -Rep. Chua

Binigyang-diin ni Manila Rep. Joel Chua na seryosong usapin ng pananagutan ang desisyon ng Commission on Audit (COA) na pagtibayin ang notice of disallowance na sumasaklaw sa P73.287 million na confidential expenses ng Office of the Vice President (OVP).

Sa pagdinig ng House Committee on Justice noong Abril 14, sinabi ng COA na ibinasura nito ang apela ni Vice President Sara Duterte at ng iba pang opisyal ng OVP, at pinagtibay ang Notice of Disallowance No. 2024-002-100 na tumutukoy sa mga gastusin mula Disyembre 21 hanggang 31, 2022.

Ayon kay COA official Atty. Gloria Camora, kapag naging pinal ang desisyon, kailangang isauli sa gobyerno ang nasabing halaga. Kabilang sa disallowed amount ang P69.787 million para sa rewards at P3.5 million para sa kagamitan gaya ng mesa, upuan, computer at printer.

“Hindi po baryang sukli ang ipinapabalik ng COA. Milyones po ito na puwede sanang nagamit pang-ayuda sa ating jeepney drivers at mga kababayang nahihirapan ngayon dahil sa oil crisis,” ani Chua sa isang pahayag.

Dagdag niya, “Sa panahon ng taas presyo at hirap ng ordinaryong pamilya, ang P73.287 million ay hindi maliit na usapin. Pera ito ng taumbayan. Kapag sinabi ng COA na dapat itong isauli, hindi puwedeng magkunwaring administrative detail lang ito.”

Ipinaliwanag ni Chua na nag-ugat ang disallowance sa hindi pagsunod sa Joint Circular 2015-01 na nagtatakda ng mga patakaran sa paggamit ng confidential at intelligence funds, partikular sa kakulangan ng sapat na dokumento para suportahan ang mga gastusin.

“Kapag umaabot na sa notice of disallowance at na-affirm pa ng COA, ibig sabihin niyan hindi napangatuwiranan nang maayos ang paggamit ng pondo sa ilalim ng umiiral na mga patakaran,” ani Chua. “Hindi ito haka-haka. Hindi ito tsismis. Ito ay pormal na finding ng isang constitutional body na nagbabantay sa kaban ng bayan.”

Ayon pa sa mambabatas, ang notice of disallowance ay inilalabas kapag nabigo ang isang ahensya na maipaliwanag ang paggamit ng pondo matapos ang audit review. Bagama’t may mga legal na remedyo pa, nananatiling umiiral ang finding ng COA.

“May due process pa rin. Puwede pa silang dumulog sa Korte Suprema. Pero habang may legal remedy, may malinaw na finding na nakatayo sa harap ng taumbayan,” ani Chua. “At habang nakatayo ang finding na iyan, hindi mabubura ang katotohanang may pampublikong pondong ipinapabalik dahil hindi nasunod ang mga patakaran.”

Idinagdag pa niya na naglabas din ang COA ng mga notice of disallowance para sa una, ikalawa at ikatlong quarter ng confidential funds ng OVP noong 2023 na umaabot sa humigit-kumulang P375 million.

“Mas mabigat po ang larawan kapag hindi lang isang quarter ang may problema,” aniya. “Kung may affirmed disallowance ka na sa 2022 at may tatlo pang notices of disallowance sa 2023, malinaw na hindi ito isolated incident. May pattern na kailangang sagutin, at kailangang seryosohin.”

Binigyang-diin ni Chua na may mahigpit na panuntunan sa paggamit ng confidential funds.

“Ang confidential funds ay hindi blank check,” aniya. “Mas mahigpit ang pamantayan diyan dahil mas mataas ang panganib ng abuso. Kapag kulang ang dokumento, kapag hindi mapatunayan ang confidential nature ng gastos, at kapag ipinapabalik ng COA ang pera, malinaw na may pagkukulang sa paghawak ng pondo.”

“For every peso collected from taxpayers, the government owes the public honesty, discipline, and proof. Sa usaping ito, ang taumbayan ay may karapatang magtanong. At ang mga may hawak ng pondo ay may obligasyong sumagot,” diin ni Chua. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles