MAYNILA — Matapos ang halos tatlong linggong pagtatago, boluntaryong sumuko sa mga awtoridad ang suspek sa pamamaril at pagpaslang sa kanyang live-in partner sa Tondo, Maynila.
Kinilala ang suspek na si Edmar Colarte, 34 anyos, residente ng Brgy. 20, Parola Compound. Sa harap ni Manila Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso, kusang inamin ni Colarte na siya ang bumaril at pumatay sa biktimang si Karen Surio, 25 anyos.
Ayon sa ulat, naganap ang krimen noong Marso 22.
Base sa impormasyon, sumuko si Colarte noong Abril 10 kay Barangay Chairman Anthony Igus ng Barangay 20, kasama ang kanyang ama.
Matapos ang kanyang pagsuko, agad siyang itinurn-over sa Manila Police District Homicide Section para sa kaukulang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong murder kaugnay ng insidente. /Bistado


