Posibleng bumaba ang susunod na singil sa kuryente matapos magtala ng 13.1 porsiyentong pagbaba ang average electricity price sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) nitong July.
Batay sa datos na inilabas ng Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP), bumaba sa average na P8.31 kada kilowatt-hour (kWh) ang nationwide spot price hanggang July 25, mula P9.56 kada kWh noong June.
Inaasahang makatutulong ang pagbaba ng spot market rates upang mapagaan ang generation charge na ipinapasa ng distribution utilities at electric cooperatives sa consumers. Ang aktuwal na epekto sa bill ay nakadepende sa dami ng kuryenteng binili ng bawat utility mula sa WESM.
Ayon kay IEMOP Vice President for Trading Operations Isidro Cacho Jr., partikular na maaaring makaramdam ng ginhawa ang consumers sa Visayas dahil sa malaking ibinaba ng presyo at mas kaunting exposure sa mataas na spot market rates kumpara noong nakaraang buwan.
Kasabay ng price drop, ang nationwide electricity ay ng bumaba ng 3.4 porsiyento sa 14,936 megawatts (MW), mula 15,455 MW noong June. Lumiit din ng 2.6 porsiyento ang available supply sa 20,587 MW mula 21,133 MW.
Pinakamalaki ang ibinagsak ng spot price sa Visayas—21.9 porsiyento—sa P11.29 kada kWh mula P14.46. Bumaba ng 4 porsiyento ang demand sa 2,080 MW, habang tumaas ng 3.6 porsiyento ang supply sa 2,260 MW.
Sa Mindanao, bumaba ng 18.5 porsiyento ang presyo sa P10.39 kada kWh mula P12.75. Lumiit ng 2.9 porsiyento ang demand sa 2,091 MW at bahagyang bumaba ng 0.3 porsiyento ang supply sa 3,283 MW.
Nagtala naman ang Luzon ng 8.2 porsiyentong pagbaba sa P7.30 kada kWh mula P7.95. Bumaba ng 3.3 porsiyento ang demand sa 10,764 MW, habang lumiit ng 3.9 porsiyento ang supply sa 15,043 MW.
Inaasahan ng IEMOP na mananatiling paborable ang supply-demand conditions sa nalalabing bahagi ng taon. Karaniwang humihina ang electricity consumption dahil sa mas malamig na panahon sa “Ber” months, na maaaring makatulong upang manatiling stable ang spot market rates hanggang December.
Saklaw ng monthly WESM data ang billing cycle na nagtatapos tuwing ika-25 ng buwan. /Bistado


