Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Kita ng DMCI sumirit; mining, power sinalo ang hina ng Maynilad

Sumigla ang kita ng DMCI Holdings Inc. sa ikalawang quarter ng 2026 matapos saluhin ng mining, power, real estate at construction businesses ang mas mababang ambag ng Maynilad Water Services Inc.

Sa unang kalahati ng taon, umakyat ng 26 porsiyento sa P11.4 bilyon ang consolidated net income ng Consunji-led conglomerate mula P9 bilyon noong nakaraang taon.

Nakatulong sa paglago ang record profit ng nickel mining unit at malaking pagbuti ng cement business, sa kabila ng mas mahinang kontribusyon mula sa investment nito sa water utility.

Nanatiling pinakamalaking earnings driver ang Semirara Mining and Power Corporation (SMPC), na nag-ambag ng P2.7 bilyon noong ikalawang quarter—17 porsiyentong mas mataas sa P2.3 bilyon noong nakaraang taon.

Nabawi ng mas malakas na power generation ang mahinang coal operations. Umabot sa 96 porsiyento ng earnings ng SMPC ang nagmula sa electricity business.

Nagtala naman ang DMCI Mining ng pinakamalakas nitong quarterly performance. Halos apat na beses na lumobo ang kita nito sa P1.3 bilyon mula P344 milyon dahil sa record shipment volume at buong-quarter na kontribusyon ng Long Point mine. Dahil dito, tatlo na ang operating mines ng kompanya.

Umakyat din ng 49 porsiyento sa P1 bilyon ang net income ng DMCI Homes mula P705 milyon, bunsod ng mas mataas na residential revenues, mas kaunting sales cancellations at mas magandang operating margins.

Bumaba naman ng 17 porsiyento sa P810 milyon ang ambag ng Maynilad mula P974 milyon. Iniuugnay ito sa mas mababang effective ownership ng DMCI Holdings matapos ang initial public offering (IPO) ng water concessionaire, at hindi sa paghina ng operasyon nito.

Tumaas ng 9 porsiyento sa P406 milyon ang earnings ng DMCI Power matapos palakasin ng bagong generating capacity sa Masbate at Antique ang electricity sales sa record level.

Malaki rin ang inangat ng construction arm na D.M. Consunji Inc., na nag-ambag ng P195 milyon mula P18 milyon dahil sa mas magandang project margins.

Samantala, muntik nang mag-break even ang cement business na Concreat. Lumiit sa P4 milyon ang attributable net loss nito mula P682 milyon noong nakaraang taon dahil sa mas mataas na cement sales, mas magandang selling prices at patuloy na operational efficiencies. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles