Hindi boluntaryong bababa sa puwesto si Vice President Sara Duterte sa gitna ng impeachment trial at mga bagong alegasyon laban sa kanya, ayon sa kanyang spokesperson na si Atty. Paolo Panelo.
“Hindi po, dahil binoto siya ng tao, pinagkatiwalaan siya ng tao. So mamamalagi siya sa puwesto. Gawin na nila ang lahat, hindi siya bababang boluntaryo sa puwesto,” sabi ni Panelo.
Sinabi rin ng kanyang kampo na tuloy ang plano ni Duterte na tumakbo sa pagkapangulo sa 2028 elections.
Kasabay nito, itinanggi ng kampo ang mga alegasyon ni dismissed police officer Rodulfo Gracioso Jr. na naghatid umano siya ng mga maleta ng pera kina Duterte, former President Rodrigo Duterte at Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte.
Tinawag ni Panelo si Gracioso na “Madriaga 2.0,” na tumutukoy kay Ramil Madriaga, isa pang lalaking nagpakilalang umano’y dating aide at bagman ni Duterte.
“Alam niyang panggigipit lang ‘to, alam niyang kapalit ito ng paglaban sa mali. Alam naming nagsisinungaling ito, Madriaga 2.0 ito, so the more he talks, the more details he supplies, the better for VP Sara. The easier we can refute his lies,” ani Panelo.
Hinihintay pa umano ng kampo ang sworn affidavit ni Gracioso para masuri ang kanyang mga detalye, kabilang ang mga petsa at lugar.
“Pagka-nabigyan na ng kopya ang kampo ni VP Sara nitong sinumpaang salaysay ni Mr. Gracioso at nakapagbigay na ng detalye, eh ‘yun din po ang magiging ending nito—mababasura din po,” sabi ni Panelo.
Nagpahayag din ang kampo ni Duterte ng pangamba sa sinasabi nitong plano ng administrasyon para sa charter change at pagpapalawig ng termino ng Pangulo. Wala namang ebidensiyang iniharap sa ulat na nagpapatunay sa alegasyong ito.
“Talagang grave ang kaniyang concern dito dahil nakatanggap siya ng impormasyon na, dagdag lang sa alam na niya mula pa nu’ng 2023, nagbabalak talaga ang Administrasyong Marcos na baguhin ang Saligang Batas at pahabain ang termino ng Pangulo,” ani Panelo.
Nauna nang tinawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na “fake news” ang pahayag ni Duterte na desperado ang administrasyon na pigilan ang 2028 elections. /Bistado


