Tumigil sa pamamasada ang ilang public utility vehicle drivers nitong Martes, September 29, sa pagsisimula ng dalawang araw na transport strike ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON).
Hirit ng grupo ang mas mababang presyo ng produktong petrolyo at mas malaking dagdag-pasahe, isang araw matapos umiral ang bagong P14 minimum fare sa traditional jeepneys.
Kabilang sa panawagan ng PISTON ang pagpapababa ng diesel sa P55 kada litro, pagtanggal ng excise tax at value-added tax sa petroleum products at pagbasura sa Oil Deregulation Law.
Maagang nagtipon ang mga miyembro sa Aurora Boulevard sa Cubao, Quezon City. May ilang jeepney drivers na sumama sa protesta habang nagpatuloy naman sa pasada ang iba.
Para sa PISTON, kulang ang P1 dagdag sa minimum fare ng traditional jeepney na naging P14 mula P13 nitong Lunes.
“Sobrang pagtataas ng mga produktong petrolyo. Ang saya-saya po ng pagtataas eh. Ang laking insulto sa aming mga driver ang fare hike. Ano naman magagawa ng piso?” sabi ng PISTON member na si Celso Nabora.
“Hindi kami humihiling ng dagdag pasahe na napakataas. Ilagay sa tama na lebel,” dagdag niya.
Humihirit naman ang PISTON ng P10 fare increase. Ayon sa grupo, nasa P3,000 kada araw ang fuel expense ng isang ordinary diesel-powered jeepney operator habang umaabot sa P6,000 ang modern PUV.
Nagkataon namang may malaking rollback sa diesel ngayong Martes matapos ang tatlong sunod na linggo ng malalaking oil price hikes. Nagbaba ang ilang oil companies ng diesel nang humigit-kumulang P7.57 hanggang P7.60 kada litro, kerosene nang P5.85 hanggang P5.90 at gasolina nang P0.24 hanggang P0.30.
Pero sinabi ng PISTON na hindi sapat ang rollback para mabawi ang naunang pagtaas ng presyo.
Nakatakda ring magsagawa ang grupo ng motorcade at mass gathering sa Welcome Rotonda bago tumungo sa Mendiola.
May mga pulis namang naka-deploy para bantayan ang protesta at daloy ng trapiko. Wala pang naiulat na malaking kaguluhan sa unang bahagi ng pagkilos.
Nauna nang naglunsad ng transport strike ang Manibela nitong Lunes, pero sinuspinde nito ang pagkilos para makipag-usap sa Land Transportation Office nitong Martes.
May ilang paaralan at unibersidad din na nagsuspinde ng face-to-face classes dahil sa transport strike. /Bistado


