Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Sen. Lacson: ‘Leadership fund’ na may minimum ₱500-M allocation bawat senador, dapat alisin sa budget

Ipinababasura nang tuluyan ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang kontrobersiyal na “leadership fund” o “allocables” matapos sabihin ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na may minimum na ₱500 milyon para sa priority projects ng bawat senador noong 2024.

Ayon kay Lacson, wala na ang mekanismo sa 2026 national budget at dapat tiyaking hindi na ito maibabalik.

“Sa 2026 budget, wala na. So sa 2025, yun ang last budget year. I believe sa 2026, wala na yung leadership fund,” ani Lacson.

Tinawag niya itong mas masamang bersiyon ng idineklarang unconstitutional na pork barrel dahil nabibigyan umano ang mga mambabatas ng pagkakataong makialam sa budget bago pa ito isumite sa Kongreso.

“The leadership fund is not only a descendant of the outlawed ‘pork barrel’ but also its worst version,” ani Lacson. “With all that said, I maintain that such [an] anomaly in the passage of the national budget must stop.”

Lumabas ang mga detalye nang tumestigo si Bonoan sa Sandiganbayan Third Division noong Miyerkules, August 12, sa kaso ni dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. kaugnay ng umano’y ₱92.8-milyong ghost project sa Pandi, Bulacan. Itinanggi ni Revilla ang mga akusasyon.

Sinabi ni Bonoan na may minimum na ₱500 milyong allocation para sa bawat senador, habang maaaring magkaroon ng hindi bababa sa ₱1 bilyon ang Senate president at mga chairperson ng major committees. Kabilang umano si Revilla, na dating chairperson ng Senate Committee on Public Works, sa nagkaroon ng ₱1-bilyong allocation.

Bagama’t ₱24 bilyon ang itinakdang internal ceiling para sa Senate leadership fund noong fiscal year 2024, nasa ₱13.29 bilyon ang aktuwal na na-avail. Umakyat ito sa humigit-kumulang ₱21 bilyon noong 2025, nang sabihin ni Bonoan na lahat ng senador ay gumamit ng mekanismo.

Hindi kasama si Lacson dahil hindi pa siya senador nang ihanda noong 2024 ang 2025 budget. 

Ayon kay Bonoan, nasa discretion ng Senate president ang paghahati ng pondo. Nakipagpulong umano siya kay dating Senate President Juan Miguel Zubiri para sa 2024 allocations at kay dating Senate President Francis “Chiz” Escudero para sa 2025.

Mariing itinanggi ni Zubiri na humawak siya ng listahan ng mga proyekto ng mga senador.

“I refused to handle any such list,” ani Zubiri.

Itinanggi rin nina Sens. Bong Go, Robin Padilla at JV Ejercito na nagsumite o humawak sila ng listahan sa ilalim ng leadership fund. Sinabi naman ni Sen. Imee Marcos na hindi niya alam ang tinutukoy ni Bonoan na pagpapasalamat umano niya sa dating kalihim.

Ipinaliwanag ni Bonoan na nilikha ang leadership fund matapos malaki ang ibinawas ng Kongreso sa ilang pangunahing DPWH programs sa 2023 budget. Kabilang dito ang 88.8 porsiyentong bawas sa foreign-assisted projects, mula ₱70.71 bilyon hanggang ₱7.938 bilyon. Ang mga ibinawas at idinagdag na allocations na umabot sa ₱292.715 bilyon ay naging 8,075 bagong proyekto sa General Appropriations Act (GAA).

Dahil dito, isinama na umano sa DPWH proposal ang priority projects ng mga senador bago pa mabuo ang National Expenditure Program (NEP), ang proposed national budget na inihahanda ng executive branch sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM).

Dumaraan umano ang mga proyekto sa pagsusuri ng DPWH planning service at sa final vetting ni dating Undersecretary Maria Catalina “Cathy” Cabral. Tinitingnan kung tugma ang mga ito sa development programs bago isama sa proposed budget.

Sinabi rin ni Bonoan na gumamit ang DPWH ng parametric formula para sa infrastructure allocation ng mga congressional district, na may ₱500-milyong baseline. 

Ang party-list representatives naman ay may ₱120 milyon umano noong 2023 at 2024, na itinaas sa ₱150 milyon noong 2025.

Kabilang sa mga batayan ang populasyon, lawak ng lugar, ambag sa gross domestic product, panganib sa kalamidad, antas ng infrastructure development, pangangailangan ng 20 pinakamahihirap na lalawigan at project implementation record.

Iginiit ni Lacson na nasa executive branch ang budget preparation. Dapat aniyang makialam ang mga mambabatas sa authorization phase, kapag nasa Kongreso na ang NEP at maaari na itong amyendahan. May local at regional development councils din para maihain ng district representatives ang mga proyekto sa kanilang lugar.

Nilinaw niyang hindi awtomatikong katiwalian ang bawat insertion sa budget. Gayunman, maaari itong magbukas ng pagkakataon sa pang-aabuso kapag binigyan ng malalaking individual allocations ang mga mambabatas. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles