Inilipat ng Malacañang sa alternative work arrangements ang trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan at sa alternative learning modes ang klase sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Metro Manila at 12 lalawigan ngayong Biyernes, August 14.
Ipinatupad ang kautusan dahil sa tuloy-tuloy na malalakas na pag-ulang dulot ng southwest monsoon o habagat. Hindi nito tuluyang sinususpinde ang trabaho at pag-aaral dahil magpapatuloy ang mga ito sa alternatibong setup.
Saklaw ng Memorandum Circular (MC) No. 126 ang mga sumusunod:
-National Capital Region (NCR)
-Zambales
-Bataan
-Bulacan
-Pampanga
-Tarlac
-Nueva Ecija
-Cavite
-Batangas
-Rizal
-Laguna
-Quezon
-Occidental Mindoro
Sa ilalim ng circular, kailangang magpatupad ang government offices sa mga nabanggit na lugar ng naaangkop na alternative work arrangements.
Alternative learning modes naman ang gagamitin sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan, maliban kung may ibang kautusan ang kani-kanilang local chief executive.
Ibig sabihin, walang regular na on-site classes sa mga sakop na lugar, ngunit maaaring magpatuloy ang pag-aaral sa pamamagitan ng online classes, modules o iba pang learning arrangements na ipatutupad ng mga paaralan.
Inilabas ang direktiba sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) matapos maglabas ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ng heavy rainfall warnings kaugnay ng patuloy na pag-ulan.
Hindi kasama sa paghinto ng regular na on-site operations ang mga ahensyang nagbibigay ng basic at health services, naghahanda o tumutugon sa mga kalamidad, at nagsasagawa ng iba pang vital services. Inatasan ang mga ito na ipagpatuloy ang operasyon at ibigay ang kinakailangang serbisyo.
Maaari ring magpatupad ang mga local chief executive ng localized cancellation o suspension ng klase at trabaho sa government offices sa ibang lugar na hindi sakop ng MC No. 126.
Para naman sa mga pribadong kompanya at opisina, nasa discretion ng kani-kanilang management kung magsususpinde ng trabaho o magpapatupad ng alternative work arrangements. /Bistado


