Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

San Miguel, pilay ngunit lusot pa rin sa Phoenix

Wala ang mga pangunahing manlalaro ng San Miguel Beer ngunit nagawa pa rin talunin ang Phoenix, 94-89, sa Philippine Basketball Association (PBA) On Tour sa Capital Arena ng Ilagan City, Isabela.

Ang tambalan nina Marcio Lassiter at Mo Tautuaa ang nanguna para sa Beermen sa pagkawala nina reigning league Most Valuable Player June Mar Fajardo, CJ Perez, Don Trollano, Jericho Cruz, Jerrick Ahanmisi at import na si George King upang mapigil ang matinding hamon ng Fuel Masters nitong Sabado.

Halos hindi pumalya sa pag-iskor si Lassiter matapos manguna na may 30 puntos, habang pinatigil naman ni Tautuaa ang Fuel Masters nang tumira siya ng isang malaking three-pointer na nagbigay sa Beermen ng 93-89 kalamangan sa huling minuto.

Malaki rin ang ambag ni Rodney Brondial para sa San Miguel na may 17 puntos, habang nagdagdag si Jeron Teng ng 14 at si Tautuaa ng 13.

Hindi nakapaglaro sina Trollano at Ahanmisi dahil kasalukuyan silang kasama ng Gilas Pilipinas sa Nagoya Asian Games.

Nasa bakasyon naman sina Fajardo at Perez matapos magsilbi sa national team sa nakaraang window ng FIBA World Cup qualifiers, kung saan panalo ang Pilipinas sa dalawang laro kontra Jordan at Iran sa Mall of Asia Arena sa Pasay.

Nasa Amerika pa si King upang dumalo sa kaarawan ng anak, habang hindi nakalaro si Cruz dahil sa personal na dahilan.

Wala rin ang team captain na si Chris Ross at big man na si JM Calma para sa San Miguel, na kaagapay ng NLEX sa Governors’ Cup Group A lead (7-2).

Gayunpaman, kontrolado ng Beermen ang malaking bahagi ng laban habang sina Lassiter at Brondial ang umako sa responsibilidad sa opensa.

Nanguna si Ricci Rivero para sa Phoenix na may 17 puntos, habang umiskor si Justin Chua ng walo sa kanyang kabuuang 12 puntos sa fourth quarter.

Isang free throw ni rookie Will Gozum ang nagbigay sa Phoenix ng 80-79 na kalamangan, bago umiskor si Lassiter ng limang sunod na puntos, kabilang ang kanyang huling tres, upang tuluyang umabante ang San Miguel, 84-80.

Tumira si Rivero ng three-pointer sa loob ng huling dalawang minuto upang muling magbanta ang Fuel Masters, 90-89, ngunit sumagot din ng tres si Tautuaa.

Naglaro rin ang Fuel Masters na wala ang import na si BJ Johnson at beteranong big man na si Jason Perkins, na may immobilizer sa kanang paa.

Ito ang ikalawa sa nakatakdang limang “On Tour” laban ngayong pahinga muna ang liga.

Una nang nanalo ang Blackwater kontra NLEX, 109-107, sa City of San Jose Del Monte, Bulacan noong Miyerkules.

Magpapatuloy ang Governors’ Cup sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila sa sa Oktubre 7 pagkatapos ng Asian Games, tampok ang NLEX-Macau sa 5:15 p.m. na laro at Terrafirma-TNT simula 7:30 p.m.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles