Sinimulan ng De La Salle University ang kanilang pagtatanggol sa titulo matapos talunin ang National University, 89-87, nitong Linggo sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Pinangunahan ni Joaquin Tovera, mula sa Chino Hills High School sa California, USA, ang Green Archers matapos magtala ng 22 puntos at tatlong steals sa loob ng 14 minutong paglalaro.
“At first, I was nervous but once I stepped on the court, I just wanna show what I have. It was a great experience,” sabi ng 18-anyos na miyembro ng Gilas Pilipinas Youth.
Nagdagdag si Luis Pablo ng 16 puntos, pitong rebounds at dalawang blocks, habang nagtala naman si Doy Dungo ng 12 puntos at dalawang assists. Bahagi sila ng Gilas Pilipinas 3×3 team na sasabak sa Nagoya Asian Games.
Nagtala si Jacob Cortez ng siyam na puntos, limang assists, dalawang rebounds at dalawang steals, habang siyam na puntos din ang naitala ni Earl Labadam.
Pinangunahan ni Tebol Garcia ang Bulldogs sa 14 puntos, anim na assists at tatlong rebounds. Nagtala rin si Kenshin Padrones ng 14 puntos at pitong rebounds.
Samantala, humabol ang Adamson University sa fourth quarter upang talunin ang host na Far Eastern University, 56-53.
Umasa ang Soaring Falcons kina Monty Montebon, Mat Edding, Matt Erolon, Nigerian center Precious Jonah at Manu Anabo upang makuha at mapanatili ang kalamangan, 54-51, may 2:09 minuto pang natitira sa laro.
Nagtapos si Montebon na may 18 puntos, kabilang ang apat na triples. Mayroon din siyang apat na steals at tatlong rebounds.
Umiskor si Edding ng 10 puntos, habang nagtala si Erolon ng walong puntos, limang rebounds, tatlong steals at dalawang assists. Nagdagdag din si Jonah ng walong puntos, kasama ang 11 rebounds at apat na blocks.
Nag-debut para sa Tamaraws ang Season 88 high school Most Valuable Player na si Cabs Cabonillas matapos magtala ng 11 puntos at 12 rebounds. Nagtala rin ang reigning collegiate MVP na si Janrey Pasaol ng 11 puntos at limang assists.
Nanalo rin ang University of the Philippines laban sa University of Santo Tomas, 92-85.
Si Rey Remogat ang napiling Player of the Game nang magtala ng 11 points, three rebounds at seven assists.
Sa Setyembre 26, makakaharap ng Adamson ang Ateneo de Manila University alas-12 ng tanghali habang haharap naman ang FEU sa University of the East 2:30 ng hapon.


