Mahigpit na ipatutupad ng Department of Education (DepEd) ang “No Collection Policy” habang pinapalakas ang paghahanda ng public schools para sa pagbubukas ng klase.
Paalala ng DepEd: hindi dapat iasa sa bulsa ng mga guro ang school readiness.
Ayon sa ahensya, ang paghahanda ng mga paaralan ay dapat manggaling sa available school funds, tulong ng pamahalaan, institutional partners, at volunteerism ng komunidad. Hindi ito dapat kunin sa sapilitang kontribusyon o personal na pera ng teachers.
Nilinaw ng DepEd na pinahahalagahan nito ang mga gurong kusang tumutulong. Pero hindi dapat gawing obligasyon ang paggastos mula sa sariling bulsa.
“Alam naming maraming guro ang kusang tumutulong dahil mahal nila ang kanilang mga estudyante at paaralan, at lubos natin itong pinahahalagahan,” ani Education Secretary Sonny Angara.
“Pero malinaw dapat na hindi sila inaatasang gumastos mula sa sariling bulsa. Responsibilidad nating gawing mas madali para sa teachers na magturo, hindi dagdagan ang kanilang pasanin,” diin niya.
Para protektahan ang teachers, parents, at school stakeholders, muling ipinaalala ng DepEd na bawal ang mandatory fees o sapilitang kontribusyon para sa Brigada Eskwela, enrollment, at iba pang aktibidad sa pagbubukas ng klase.
Inatasan din ang school heads na gamitin nang tama ang School Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) para sa lehitimong gastos sa operations, maintenance, at minor repairs ng paaralan.
Direktang ibinababa ang MOOE sa implementing unit schools. Ang non-implementing schools naman ay makakatanggap ng logistical support sa pamamagitan ng kanilang Schools Division Offices.
Nilinaw din ng DepEd na ang Brigada Eskwela ay bayanihan ng buong komunidad, hindi fundraising drive.
Dapat itong umasa sa tulong ng local government units, private sector, civil society organizations, at volunteers para ihanda ang mga paaralan.
Higit isang buwan bago ang formal launch, nakipag-ugnayan na ang DepEd sa partners para itugma ang logistical support. Inaasahan ding maglalagay ng help desks at service booths ang ilang partners sa mismong linggo ng Brigada Eskwela para mas mabilis na maabot ang public schools.
Katuwang din ng DepEd ang Department of Labor and Employment sa deployment ng humigit-kumulang 240,000 TUPAD workers sa 5,000 malalaking public schools nationwide.
Tutulong sila sa maintenance, paglilinis, at logistical work habang nagbibigay din ng pansamantalang kabuhayan sa qualified parents at relatives ng learners.
Binigyang-diin din ng DepEd ang mas malawak na suporta para sa teachers, kabilang ang Republic Act No. 11997 o Kabalikat sa Pagtuturo Act, na nagbibigay ng teaching allowance sa eligible public school teachers para sa teaching supplies, kagamitan, incidental expenses, at iba pang pangangailangan sa pagtuturo.
Ayon kay Angara, ang mga hakbang na ito ay tugon sa direktiba ni President Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking handa ang public schools sa pagbubukas ng klase nang hindi nadadagdagan ang pasanin ng mga guro. /Bistado


