Nanganganib matigil ang operasyon ng AirAsia Philippines sa mga government-operated airports matapos itong utusan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na bayaran ang P271.94 million nitong utang sa airport fees at charges.
Sa cease-and-desist order na may petsang June 2, inatasan ni CAAP Director General Raul del Rosario ang Philippines AirAsia Inc. na ihinto ang operasyon sa mga airport na sakop ng CAAP sa loob ng tatlong araw mula sa pagtanggap ng notice kung hindi mababayaran ang obligasyon.
Ayon sa CAAP, inilabas ang kautusan dahil sa umano’y “continued failure to pay outstanding obligations despite repeated collection efforts.”
Batay sa records ng CAAP, umabot sa P271.94 million ang unpaid obligations ng AirAsia mula 2021 hanggang May 2026. Sakop nito ang air navigation charges, aircraft landing and parking fees, passenger service charges, at iba pang airport-related assessments.
Hindi pa kasama sa halaga ang posibleng penalties, surcharges, at interest mula sa delayed payments.
Sa ilalim ng order, hindi muna makakagamit ang AirAsia ng mga airport facilities at services sa CAAP-operated airports, maliban kung may written authorization mula sa ahensya.
Inatasan din ang airport managers at iba pang CAAP offices na ipatupad ang directive.
Ayon sa mga ulat, bumaba na ang obligasyon ng AirAsia mula P833.7 million na binanggit sa naunang final demand letter hanggang P271.94 million as of May 20. Pero para sa regulator, nananatiling unsettled ang balance.
Nagpadala rin ang CAAP ng formal demand letter noong May 11 para hilingin ang full settlement sa itinakdang period.
Sa June 2 directive, sinabi ng regulator na “no payment, settlement proposal or other arrangement had been received” bago inilabas ang order.
Nauna nang sinabi ng AirAsia Philippines na balak nitong bayaran ang natitirang balanse sa loob ng linggo.
Kung ipatutupad ang order, posibleng unahin ang gateways tulad ng Davao, Bacolod, at Iloilo bago palawakin sa iba pang CAAP-operated airports kung saan may operasyon ang AirAsia.
Hindi sakop ng CAAP order ang privately operated facilities gaya ng Ninoy Aquino International Airport at Mactan-Cebu International Airport.
Pinag-uusapan na rin ng CAAP at airline industry officials ang contingency measures sakaling maapektuhan ang passengers.
Kabilang sa initial talks ang posibleng paghingi ng tulong sa Cebu Pacific at Philippine Airlines para sa rescue flights o rebooking ng stranded AirAsia passengers.
Nilinaw ng CAAP na ang suspension order ay “without prejudice to other legal, administrative or civil actions” para mabawi ang unpaid obligations. /Bistado


