Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Road Warriors wala pa ring talo; Tropa lusot sa OT

Wala pa ring talo ang NLEX matapos ang limang laro samantalang nilubog ang Converge sa ikatlong sunod na talo, 119-107, sa PBA Governors’ Cup Group A elimination round sa Mall of Asia Arena sa Pasay City nitong Sabado.

Mabagal ang naging simula ni Schonny Winston ngunit bumawi sa second half sa itinalang 17 puntos, kabilang ang 10 sa fourth quarter na nagpasiklab sa paglayo ng Road Warriors mula sa 88-all.

“We know they’re just a really good team. We know they’re gonna go out there and compete so we wanted to … bring a lot of energy in this game,” ani Winston.

Nagbuhos si DeQuan Jones ng 12 sa kanyang kabuuang 28 puntos sa second half, kabilang ang 12 sa huling 14 puntos ng NLEX upang itayo sa hindi na maaabutang 119-107 kalamangan.

Nakabawi ang Converge mula sa maagang 23-42 pagkakahuli at nakuha pa ang 60-54 abante sa likod nina Mikey Williams at Calvin Abueva.

“I thought their physicality went up a notch in that second quarter, they slowed us down defensively and I thought we went away from our ball movement … and that’s not how we want to play,” ani rookie NLEX coach Jimmy Alapag.

“That was my challenge to the guys in the second half. I know Converge had a tough loss in their last game and we expected them to come out and play really well and they did.”

Nagdagdag si Jones ng siyam na rebounds habang malaki rin ang naging ambag ni Robert Bolick sa muntik na niyang triple-double na 19 puntos, siyam na rebounds at 10 assists.

Gayundin si Anthony Semerad, na lahat ng 15 puntos ay mula sa three-point area, kabilang ang 12 sa unang quarter na nagbigay ng magandang simula sa NLEX.

Ang kabiguan, na sumunod sa 107-110 pagkatalo sa TNT noong Martes, ay nagpababa sa FiberXers sa 3-3 kartada, kalahating laro sa likod ng TNT na may 3-2 rekord matapos ang panalo nito sa ikalawang laro.

Pinangunahan ni Jamaal Franklin ang Converge sa kanyang 26 puntos, pitong rebounds at anim na assists.

Susunod nilang makakaharap ang San Miguel Beer, na tinalo ng TNT, sa Miyerkules.

Naitala ng Tropang 5G ang 93-89 overtime victory laban sa Beermen sa tulong ng nagbabalik na import na si Rahlir Hollis-Jefferson bilang perpektong regalo kay coach Chot Reyes sa kanyang ika-62 kaarawan.

Bumagsak ang Beermen sa 4-2 rekord matapos mapigilan sa 89 puntos, mas mababa sa kanilang dating average na 120 puntos kada laro.

Sa kanyang pagbabalik matapos ang dalawang taon, nagtala si Hollis-Jefferson ng 20 puntos, 13 rebounds at pitong assists.

Nagningning naman si Kim Aurin, na nag-average lamang ng 1.7 puntos noong nakaraang conference, sa itinalang 22 puntos, kabilang ang pitong sunod na puntos sa overtime.

“Sobrang bigat ng trabaho dahil wala sila,” ani Aurin dahil wala ang mga injured na kakampi na sina Jayson Castro, RR Pogoy, Calvin Oftana and Kelly Williams. “Mindset lang, pag libre, tira.”

Para kay Reyes, ang pinakamalaking tagumpay ng kanilang koponan ay nasa depensa.

“Basta ang sabi namin, daanin na lang natin sa depensa,” ani Reyes.

Pinangunahan ni George King ang lahat ng scorers sa kanyang 35 puntos, ngunit nalimitahan siya ng Tropang 5G sa walong puntos lamang sa unang kalahati ng laro.

First Game

NLEX 119 – Jones 28, Winston 24, Bolick 19, Semerad 15; Alas 14, Bahio 8, Gonzales 7, Valdez 4, Gamboa 0, Capulong 0, Rodger 0.

CONVERGE 107 – Franklin 26, Williams 18, Arana 16, Gomez de Liano 14, Baltazar 13, Stockton 11, Abueva 9, Garcia 0.

Quarters: 42-27; 63-64; 88-all; 119-107

Second Game

TNT 93 – Aurin 22, Nambatac 21, Hollis-Jefferson 20, Erram 12, Galinato 6, Jalalon 5, Quitevis 4, Ferrer 3, Khobuntin 0, Ganuelas-Rosser 0, Enciso 0, Variila 0.

SAN MIGUEL 89 – King 35, Fajardo 14, Lassiter 13, Trollano 12, Cruz 6, Brondial 4, Ahanmisi 3, Tautuaa 2, Ross 0, Hernandez 0, Cahilig 0.

Quarters: 25-15; 46-34; 65-55; 73-73 (reg); 93-89 (OT)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles