COTABATO CITY — Tatlo ang patay at 15 ang sugatan matapos mauwi sa putukan ang komosyon sa pagitan ng magkaribal na grupo ng political supporters sa labas ng isang paaralan sa Barangay Bagua 2, Cotabato City, kasabay ng kauna-unahang parliamentary elections ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) nitong Lunes, September 14, 2026.
Nangyari ang insidente sa lugar ng Datu Usman Mampen school. Ayon kay Cotabato City Police chief Col. Jibin Bongcayao, nagsimula ang tensyon bandang 5 a.m. sa agawan umano ng puwesto ng mga supporter sa pila.
“It started as a struggle for position in the queue between two groups,” ani Bongcayao. “It led to shoving, escalated into a fistfight, and eventually gunfire broke out in a crowded area.”
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Hiwalay na putukan ang sumiklab bandang 6:45 a.m. sa Cotabato City Central Pilot Elementary School. Ayon sa ulat, pumasok ang mga armadong lalaki sa paaralan at pinaputukan ang mga botanteng nakapila bago nakipagpalitan ng putok sa mga pulis. Tatlo ang nasugatan, kabilang ang isang police officer.
Iniimbestigahan din ang pagsabog malapit sa Amirul School sa Barangay Kapimpilan, Mother Kalanganan, na ikinasugat nang malubha ng isang lalaki. Hindi pa naglalabas ang pulisya ng kumpletong detalye sa pangyayari.
Inilagay ng Commission on Elections (Comelec) ang Cotabato City sa ilalim ng kontrol nito kasunod ng magkakahiwalay na insidente.
Kinondena ni BARMM Interim Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua ang karahasan matapos siyang bumoto bandang 7:45 a.m. sa Gambar Elementary School sa Barangay Gambar, Kabuntalan, Maguindanao del Norte.
“Reports of gun violence since last night are deeply alarming. We strongly condemn all acts of violence, intimidation, and the use of firearms that threaten the safety of our people and the right of every Bangsamoro to vote freely and peacefully,” pahayag ni Macacua.
Sinabi niyang inatasan na ang security at emergency-response agencies na protektahan ang mga komunidad, tulungan ang mga biktima at imbestigahan ang bawat insidente.
“Our election must be decided by the people’s votes—not by guns or threats,” giit niya.
Samantala, nag-ulat ang Legal Network for Truthful Elections (LENTE) ng mga problemang may kinalaman sa seguridad, pagboto at access sa ilang polling center.
Nagpakalat ang LENTE ng 313 trained non-partisan observers at 10 supervising lawyers at area coordinators sa 209 voting centers—katumbas ng 17 porsiyento ng mga voting center sa BARMM.
Sa 67 porsiyento ng mga ulat na natanggap ng LENTE monitors, naantala umano ang pagbubukas ng botohan dahil sa huling pagdating ng Electoral Board (EB) members at election paraphernalia, gayundin sa power interruptions.
Labing-apat na monitor naman ang nag-ulat na ilang EB members umano ang nagpasok ng mga balota sa automated counting machine (ACM) sa halip na ang mga botante mismo.
Sa Lanao del Sur, isang watcher umano ang kumuha at nag-shade ng mga balota. Sa Lantawan, Basilan, iniulat ang umano’y pagboto nang mahigit isang beses, habang kahalintulad na insidente ang namonitor sa Special Geographic Area. May mga ulat din ng unauthorized assistance at pamimigay umano ng pera ng isang watcher sa botante matapos itong bumoto.
Ayon din sa LENTE, inilagay sa direktang kontrol ng Comelec ang Maluso, Basilan kasunod ng mga ulat ng pre-shaded ballots. Lahat ng mga alegasyong ito ay nangangailangan pa ng beripikasyon at kaukulang imbestigasyon.
Iniulat din ng watchdog ang paghihigpit umano sa pagpasok ng mga observer sa ilang voting center sa Cotabato City, Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur.
Labimpitong monitor ang nagsabing hindi eksklusibong inilaan sa persons with disabilities, senior citizens at buntis ang early voting hours. Labindalawa naman ang nag-ulat na walang inilaan na upuan para sa priority voters.
Pinaalalahanan ng LENTE ang mga botante na sila mismo ang dapat magpasok ng kanilang balota sa ACM. Maaari lamang itong gawin ng EB member para sa botanteng may malinaw na kapansanan at dapat itong maitala sa minutes. May karapatan din ang botante sa malinis at walang markang balota at maaaring tanggihan ang pre-shaded ballot.
“The credibility of the BARMM’s first parliamentary election rests on the accountability of election officials, the transparency of the voting process, the inclusiveness of access for all voters, including the safety of voters, observers, and electoral personnel alike,” pahayag ng LENTE.
Patuloy umanong imo-monitor ng grupo ang halalan at maglalabas lamang ng mga susunod na update kapag napatunayan na ang mga natanggap nitong impormasyon. /Bistado


