Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Pulse Asia: Korapsyon, top issue na gustong marinig ng mga Pinoy sa SONA ni Marcos

Paglaban sa korapsyon ang nanguna sa mga usaping gustong talakayin ni President Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) sa July 27, ayon sa survey ng Pulse Asia Research Inc.

Sa 2,400 adult respondents, 29.8 porsiyento ang pumili sa kampanya laban sa korapsyon bilang pangunahing paksang nais nilang marinig mula sa Pangulo.

Sa naturang bilang, 18.9 porsiyento ang partikular na naghahanap ng aksyon para imbestigahan at panagutin ang mga sangkot sa flood control scandal, habang 10.9 porsiyento ang tumukoy sa pangkalahatang paglaban sa katiwalian.

Halos kasunod nito ang pagpapababa o pagpapanatiling abot-kaya ng presyo ng mga pangunahing bilihin, na pinili ng 18.7 porsiyento.

Korapsyon din ang nangunang tugon sa Metro Manila sa 35 porsiyento, Balance Luzon sa 32.7 porsiyento at Mindanao sa 29.7 porsiyento. Nangibabaw din ito sa Class ABC sa 42.1 porsiyento at Class D sa 29.6 porsiyento.

Iba naman ang prayoridad sa Visayas, kung saan nanguna ang abot-kayang bilihin sa 22.7 porsiyento, kasunod ang korapsyon sa 19.3 porsiyento.

Sa Class E, pangunahing nais marinig ng mga respondent ang tungkol sa abot-kayang bilihin sa 23.8 porsiyento, solusyon sa kahirapan sa 15.9 porsiyento at paglaban sa korapsyon sa 13.8 porsiyento.

Kabilang pa sa mga paksang binanggit ng hindi bababa sa isang porsiyento ng mga respondent ang trabaho at kabuhayan, 6.6 porsiyento; solusyon sa kahirapan, 6.2 porsiyento; ilegal na droga, 5.5 porsiyento; pagtaas ng sahod o kita, 5.1 porsiyento; at pagpapababa sa presyo ng gasolina at langis, 4.9 porsiyento.

Nasa listahan din ang mga usapin ng mga magsasaka, mangingisda at agrikultura, 4 porsiyento; paglaban sa kriminalidad, 2.8 porsiyento; kalagayan at pagsasaayos ng sistema ng edukasyon, 2 porsiyento; at pagtupad ni Marcos sa kaniyang mga pangako, 1.6 porsiyento.

Samantala, 1.2 porsiyento lamang ang nais marinig sa SONA ang tungkol sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.

Kapwa nakakuha ng tig-isang porsiyento ang juvenile justice, gusot sa pamunuan ng Senado at pagtugon sa pangangailangan ng senior citizens.

Mas mababa sa isang porsiyento ang pumili sa pagpapabuti ng programang pangkalusugan, kapayapaan sa bansa, kalagayan ni dating President Rodrigo Duterte, pabahay, pagbawas ng buwis, soberanya, ekonomiya, enerhiya at kuryente, ayuda sa mga nasalanta at pagpapalawak ng mga proyektong imprastraktura.

Lumabas din sa survey na 81 porsiyento ng mga adult Filipino ang may narinig, nabasa o napanood tungkol sa mga nakaraang SONA ni Marcos, bahagyang mas mataas sa 78 porsiyento noong June 2025.

Pinakamataas ang SONA awareness sa Metro Manila sa 90 porsiyento, kasunod ang Balance Luzon sa 83 porsiyento, Mindanao sa 79 porsiyento at Visayas sa 70 porsiyento. Sa socioeconomic classes, umabot ito sa 89 porsiyento sa Class ABC, 80 porsiyento sa Class D at 71 porsiyento sa Class E.

Isinagawa ang face-to-face survey noong June 28 hanggang July 3 at July 6, 2026. Mayroon itong ±2 percentage points na error margin sa 95 percent confidence level. Ang mga resulta para sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas at Mindanao ay may ±4 percentage points na error margin. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles