Kahit ipagpalagay na walang direktang papel si Vice President Sara Duterte sa paggastos ng ₱500 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP), seryosong usapin pa rin umano kung wala siyang kaalaman o sapat na pagbabantay sa paggamit ng pondo, ayon sa House prosecution panel nitong Huwebes.
Lumutang ang tanong matapos usisain ng mga reporter kung dapat bang sa Special Disbursing Officer (SDO) lamang mapunta ang pananagutan sa mga transaksyon.
Iginiit ni House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro na batay sa testimonya ng dating Commission on Audit (COA) state auditor na si Roderick Wamil, hindi lamang ang opisyal na aktuwal na tumanggap o naglabas ng pera ang may responsibilidad.
“Hindi nalilimit ang liability sa SDO because, like what Atty. Jay just said, maliwanag ang provision ng Joint Circular at ganoon din ang Auditing Code: principally or primarily liable ang head of agency,” ani Luistro.
Sa ilalim ng Government Auditing Code, ang agency head ang may agaran at pangunahing responsibilidad sa mga pondo at ari-arian ng kanyang tanggapan. Ang mga tauhang pinagkatiwalaan ng pag-iingat o paghawak ng pondo ay responsable naman sa agency head, nang hindi inaalis ang posibleng pananagutan ng alinmang panig sa pamahalaan.
Gayunman, ang pangunahing responsibilidad ng agency head ay hindi awtomatikong katumbas ng personal liability. Nakadepende ang pananagutan sa aktuwal na partisipasyon, awtorisasyon, kapabayaan at iba pang ebidensiyang dapat timbangin ng impeachment court.
Ipinagtanggol ni Luistro ang pagiging consistent ni Wamil sa kabila ng matitinding tanong ng mga senator-judge kung sa SDO lamang dapat ituon ang pananagutan.
“Regardless of the nature of the questions, at kung anong anggulo siya tanungin, very consistent ang testigo sa kanyang isinasagot,” ani Luistro.
Itinuro naman ni private prosecutor Atty. Amando Virgil Ligutan ang mga dokumentong umano’y naglalaman ng pirma ni Duterte at may kaugnayan sa pag-release, paggamit at liquidation ng confidential funds.
“Maliwanag rin sa mga evidence and testimony na may pirma ’yung official—Vice President—sa mga dokumento na nagpapatunay na alam niya,” ani Ligutan.
Sa naunang testimonya, natukoy umano ang mga pirma ni Duterte sa physical at financial plans, disbursement vouchers, liquidation at accomplishment reports, at certifications.
Para sa prosecution, nagpapakita ang mga dokumento ng pag-apruba, pagpapatunay o supervision. Maaari namang kuwestiyunin ng depensa ang legal na bigat ng mga ito at ipaliwanag ang lawak ng personal na kaalaman o partisipasyon ng Bise Presidente.
Hinarap din ni Ligutan ang alternatibong argumento na walang kinalaman si Duterte sa paraan ng paggastos ng kanyang mga tauhan.
“Assuming but not conceding na walang kinalaman ’yung official sa paggasta ng pera na ’yan, ’yung tanong siguro is: mapagkakatiwalaan pa ba natin ’yan?” tanong niya.
Kung walang direktang partisipasyon, ayon kay Ligutan, lilipat ang usapin sa kung nagkaroon ba ng sapat na supervision, proseso at internal controls sa paggamit ng malaking halaga ng pera ng bayan.
“’Yung official na wala man lang alam, wala man lang prosesong sinunod, wala man lang oversight mechanism na sinunod upang malaman kung ano ’yung pinaggamitan ng mga subordinates niya, mapagkakatiwalaan ba yan?” tanong niya.
Apat na tig-₱125 milyong confidential-fund releases ang natanggap ng OVP mula fourth quarter ng 2022 hanggang third quarter ng 2023, para sa kabuuang ₱500 milyon.
Bukod dito, nakatanggap ang Department of Education (DepEd) ng ₱112.5 milyong confidential funds habang sabay na nagsisilbi si Duterte bilang education secretary.
“’Yung pera po, half a billion pesos. Pera po natin ’yan—pera na sana ginamit sa ibang bagay na mas makatutulong sa ating taumbayan,” ani Ligutan.
Iginiit niyang mahalaga sa pagsusuri ng Senado sa fitness ni Duterte na manatili sa puwesto ang alinman sa direktang pakikilahok o kawalan ng epektibong oversight.
“Kung sasabihin nilang walang kinalaman ’yung official na ’yan, I would not trust that official anymore,” ani Ligutan. /Bistado


