Sa gitna ng inilabas na kalatas ng ABS-CBN kaugnay ng pag-lay off ng kumpanya sa ilang mga empleyado nila sanhi ng malaking pagkalugi at kakulangan ng budget sa pagpapasuweldo, maugong naman ang tsismis na may mga artistang kukunin para maging parte ng ilang shows ng network.
Lumutang nga ang pangalan ng komedyanteng si Pokwang na posibleng maging kapalit nina MC at Lassy at ilan pang regular sa show na inilagay sa “on a schedule basis” na lang.
Ang “on a schedule basis” daw ang isa sa mga ini-implement na scheme ngayon ng itinuturing na number one show ng Kapamilya network (read: the only show daw na kumikita at hindi pa binibitawan ng mga advertisers), kung saan may coding days lang ang pag-report ng ibang hosts ng show.
Bahagi daw ito ng kanilang “cost-cutting measure” na hindi mag-suffer ang kalidad ng fun and entertainment.
Kung dati ay araw-araw daw na napapanood ang halos mahigit isang dosenang hosts ng show, ngayon daw ay hinahati-hati na ito sa kalahati na lang at sa dalawang portions na lang din ng programa.
Kumpara daw sa katapat nitong Eat Bulaga na buhay na buhay pa ang mga iba’t-ibang portions at malalaking pa-premyo, ang It’s Showtime daw ay limitado na lang sa Ms Q&A, Reyna Talakera at Laro-Laro Pick (Pot o Li-pot) portions.
Kaya marami ang nagtataka kung bakit kumakalat ang tsismis na papasok diumano sa show si Pokwang kung nasa ganitong sistema ang naturang show?
Unless diumano, pumayag umano ang kilalang komedyante na mag-cut ng kanyang TF para lang maging regular ang exposure nito sa TV simula nang hindi na siya nag-renew ng kontrata sa dating noontime show niya sa GMA 7.


