Pilot episode pa lang pero wagi na agad sa ratings ang television premiere ng Barangay Love Stories ni Papa Dudut, tampok ang kuwentong pag-ibig na pinagbidahan nina Shuvee Etrata at Anthony Constantino.
Ayon sa Urban Philippines People Ratings nitong September 12, nagtala ang Barangay Love Stories ng 3.9 percent na overnight rating, habang umabot naman sa 65.6 percent ang overnight audience share nito. Nag-trending din ang unang episode nito sa X, patunay na naging usap-usapan ito online.
Maraming netizens ang talaga namang kinilig at tila natorete sa makulay na kuwento ng letter sender, dagdag pa ang chemistry nina Shuvee at Anthony. Sey nga nila, sana Sabado na ulit para mapanood na nila ang susunod na episode.
Lubos ang pasasalamat ni Papa Dudut dahil sa tagumpay na natamo ng programa sa unang episode pa lamang. “Grabe kayo! Hindi namin ’to magagawa kung wala kayo. Maraming salamat sa panonood at pagsuporta. Tuloy-tuloy lang tayo sa pagkukuwento ng pag-ibig, buhay, at pag-asa. at masasabi mong sana Sabado na ulit dahil may bago tayong Saturday Afternoon Habit!”
Tunay ngang nasa TV na ang forever! Abangan ang iba pang kuwento ng pag-ibig sa Barangay Love Stories tuwing Sabado, 4 p.m. sa GMA.


