Nangako ang Philippine Sports Commission (PSC) ng suporta sa Dumaguete City, na mabilis na kinikilala bilang pickleball capital ng Pilipinas.
May mahigit 300 court sa buong lungsod at libo-libo pa sa iba’t ibang bahagi ng Negros Oriental, na lalong nagpapatibay sa pagsasama-sama ng mga henerasyon, pamilya at magkakapitbahay.
Tiniyak ni PSC Chair John Patrick Gregorio ang suporta sa Dumaguete, kasabay ng pagtatayo ng mga pasilidad para sa football, track and field at archery.
“This is how we build pathways from grassroots to gold, and from gold to greatness,” ani Gregorio sa ginanap na “Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat Para sa Lahat” service caravan sa Dumaguete City nitong Lunes, isang aktibidad na isinagawa bilang paggunita sa ika-69 na kaarawan ni President Ferdinand R. Marcos Jr.
“What we see here in Dumaguete could be a model of how local governments can embrace new sports while strengthening traditional ones. Pickleball here is not just recreation. It is community, health and competition rolled into one.”
“We have an aging population here in Dumaguete as well as in the province, so pickleball is a perfect sport for us,” ani Mayor Manuel Sagarbarria.
Kasama sa caravan ang iba’t ibang programa tulad ng healthcare, trabaho at mga livelihood program upang suportahan ang mga magsasaka, mangingisda at maliliit na negosyo, gayundin ang pinalawak na oportunidad para sa mga manggagawa at estudyante.
Inihatid ni Gregorio ang mensahe ng Pangulo sa harap ng libo-libong taong nagtipon sa Dumaguete City Hall Forecourt, na binigyang-diin ang layon ng administrasyon na ilapit ang serbisyo ng pamahalaan sa mga mamamayan sa iba’t ibang lungsod at lalawigan sa buong bansa.
May kabuuang 53 government department, ahensya at tanggapan ang lumahok sa “Handog ng Pangulo” caravan para sa Negros Oriental.
Ang pickleball ay may sama-samang elemento ng tennis, table tennis at badminton.


