Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

PLDT umaasang makakabawi sa kita sa second half ng 2026

Positibo ang PLDT Inc. na gaganda ang takbo ng negosyo nito sa ikalawang kalahati ng 2026 kahit bumaba ang net income sa unang anim na buwan ng taon.

Umabot sa ₱16.4 bilyon ang net income ng telco giant mula January hanggang June, mas mababa sa ₱17.4 bilyon noong kaparehong panahon ng 2025.

“Growth remains measured, but we are optimistic that the second half of the year will be better, as we build on our momentum and focus on executing with discipline,” ani PLDT at Smart Communications Chairman at Chief Executive Officer (CEO) Manuel V. Pangilinan.

Tumaas nang dalawang porsiyento sa ₱108.7 bilyon ang gross service revenues, habang umakyat nang isang porsiyento sa ₱97.8 bilyon ang net service revenues.

Nanguna sa paglago ang data at broadband businesses na kumita ng ₱84 bilyon, katumbas ng 86 porsiyento ng net service revenues.

Umabot naman sa ₱16.6 bilyon ang telco core income. Bahagyang nasalo ng tuloy-tuloy na pagkalugi ng Maya ang epekto ng mas mataas na depreciation at mahinang resulta ng telco operations.

Bumaba ang capital expenditures sa ₱20.7 bilyon mula ₱27.4 bilyon noong nakaraang taon.

Sa mga business segment, lumago nang limang porsiyento sa ₱24.8 bilyon ang revenue ng PLDT Enterprise. Umakyat nang 15 porsiyento ang enterprise wireless, habang 21 porsiyento ang pinagsamang paglago ng ePLDT at VITRO REIT.

Nakapagtala naman ang PLDT Home ng ₱30 bilyong revenue at umabot sa 3.9 milyon ang fiber subscribers nito. Halos hindi nagbago ang fiber revenue sa ₱29.4 bilyon.

Nanatiling flat sa ₱42.1 bilyon ang consumer wireless revenue, bagama’t tumaas nang dalawang porsiyento sa ₱38.7 bilyon ang data revenue.

Nanatiling kumikita ang Maya sa ikalawang quarter. Pagsapit ng katapusan ng June, lumobo nang 71 porsiyento sa ₱86 bilyon ang deposits nito, habang sumipa nang 56 porsiyento sa ₱39 bilyon ang loans.

Patuloy na maglalagak ng puhunan ang PLDT sa fiber, wireless, enterprise, data centers at digital services. Umabot na sa 1.3 milyong cable kilometers ang fiber network nito noong katapusan ng June. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles