Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

ABS-CBN, magpapasok ng ₱6-B fresh capital para sa media reboot

Magpapasok ng ₱6 bilyong fresh equity ang ABS-CBN Corp. para patatagin ang pananalapi nito at pondohan ang paglipat ng negosyo sa content, intellectual property at entertainment.

Tatlong investment companies ng pamilya Lopez ang bibili ng pinagsamang ₱2.2 bilyong halaga ng ABS-CBN shares gamit ang personal funds. Ito ang Crème Investment Corp., Mantes Corp. at Presta Holdings Company Inc.

Maglalagak naman ng pinakamalaking bahagi na ₱3.5 bilyon ang I&C Holdings Corp., isang 100-percent Filipino-owned private investment holding company na nakatuon sa pangmatagalang corporate turnarounds.

Magdadagdag din ng ₱300 milyon ang Lopez Inc., kaya aabot sa kabuuang ₱6 bilyon ang capital infusion.

“ABS-CBN has built valuable brands, intellectual property, content, and deep relationships with Filipino audiences in the Philippines and overseas,” pahayag ng I&C Holdings.

Ayon sa kompanya, nagbibigay ang mga asset na ito ng matibay na pundasyon para makasabay ang ABS-CBN sa pagbabago ng media industry at makapagtayo ng sustainable content-led business.

“This substantial investment is a vote of confidence in ABS-CBN,” ani ABS-CBN Chairman Mark Lopez. “It tells us there are people who continue to believe in the company and in our mission of being In the Service of the Filipino.”

Nagsimulang bumigat ang problemang pinansyal ng ABS-CBN matapos hindi ma-renew ng Kongreso ang broadcast franchise nito noong 2020. Dahil dito, itinigil ng kompanya ang nationwide free-to-air operations na malaking pinanggagalingan noon ng advertising revenue.

Napilitan ang media company na magbawas ng gastos, mag-restructure at higit na umasa sa content licensing, digital platforms at partnerships.

Sa ilalim ng bagong direksiyon, nakasentro ang negosyo nito sa Filipino stories, mga kilalang brand, malawak na content library at ugnayan nito sa audiences sa loob at labas ng bansa.

Inaasahang magbibigay ang ₱6-bilyong puhunan ng dagdag na puwang para pondohan ang transformation ng ABS-CBN habang nakikipagsabayan ito sa streaming, social media at iba pang digital entertainment platforms.

Kailangan pang maisapinal ang mga kasunduan at matugunan ang corporate at regulatory requirements bago makumpleto ang investments. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles