Nagpakita ng tatag ang Philippine Airlines (PAL) sa unang kalahati ng 2026 matapos mapalago ang revenue, mapanatiling kontrolado ang non-fuel costs at maituloy ang fleet expansion sa kabila ng matinding pagtaas ng presyo ng fuel.
Umakyat nang 5.9 porsiyento sa US$1.746 bilyon ang total revenue ng flag carrier mula sa US$1.648 bilyon noong kaparehong panahon ng 2025.
Gayunman, nagtala ang PAL ng US$25.1 milyong net loss mula January hanggang June, kumpara sa US$136.7 milyong net income noong nakaraang taon. Pangunahing dahilan nito ang US$219.5 milyong year-on-year increase sa fuel expenses bunsod ng kaguluhan sa Middle East.
Tumaas nang 4.5 porsiyento sa US$1.47 bilyon ang passenger revenue, suportado ng mas mataas na passenger yields at fare adjustments.
Sumipa naman nang 30 porsiyento sa US$98.2 milyon ang cargo revenue dahil sa mas malakas na freight performance at pagbabago sa rates. Lumago rin ang ancillary revenues kasabay ng pagdami ng pasaherong kumukuha ng travel-related products at services.
Bumaba nang 3.1 porsiyento sa 8.2 milyon ang kabuuang pasaherong naisakay, habang humina sa 78.9 porsiyento ang load factor mula sa 81.6 porsiyento.
Para maibsan ang epekto ng mahal na fuel, mabilis na inayos ng PAL ang pamasahe, schedules, at capacity sa piling domestic, Middle East, at regional routes. Halos hindi naman binago ang long-haul international network dahil nanatiling malakas ang demand para sa overseas travel.
Nanatiling flat sa 22.8 bilyon ang available seat kilometers. Nalimitahan din sa 4.1 porsiyento ang pagtaas ng non-fuel costs.
Umabot sa US$271 milyon ang earnings before interest, taxes, depreciation and amortization (EBITDA), bagama’t mas mababa ito nang 28.5 porsiyento. Nasa 15.5 porsiyento ang EBITDA margin mula sa 23 porsiyento noong nakaraang taon.
Nanatiling positibo sa US$135 milyon ang free cash flow, habang umabot sa US$456.3 milyon ang cash balance noong June 30. Naglaan din ang airline ng US$153 milyon para sa capital expenditures.
Mas matindi ang epekto ng fuel prices noong ikalawang quarter. Lumobo nang 88.2 porsiyento sa US$422.9 milyon ang fuel expenses, dahilan para makapagtala ang PAL ng US$103.6 milyong net loss mula sa US$60.2 milyong net income noong kaparehong quarter ng 2025.
Sa unang anim na buwan, tumaas nang 48.2 porsiyento sa US$674.5 milyon ang fuel cost. Umabot ito sa 39.2 porsiyento ng operating expenses mula sa dating 30.3 porsiyento.
“The Middle East conflict has created significant near-term pressure on our fuel costs, and our second-quarter results reflect that impact. At the same time, our first-half performance demonstrates PAL’s underlying resilience. We moved quickly on fare and network adjustments, protected our liquidity, and continued investing in the fleet and partnerships that will strengthen our long-term competitiveness. International demand remains strong, our cost discipline is holding, and we enter the second half with the flexibility to manage through this disruption while staying focused on our strategic plan,” ani PAL President Richard Nuttall.
Itinuloy din ng PAL ang long-term expansion. Pumasok sa serbisyo noong May ang ikalawang Airbus A350-1000 nito at inilagay sa mga rutang New York, Toronto at San Francisco.
Pinalawak din ang Mabuhay Miles sa pamamagitan ng partnerships sa Qantas Airways at Qatar Airways. Sinimulan na rin ang integration para sa planong pagsali ng PAL sa oneworld alliance.
Nakalap ng airline ang US$350 milyon mula sa five-year notes issuance. Umorder din ito ng hanggang 20 Boeing 787-10 at 14 Airbus A350-1000 aircraft na nakatakdang i-deliver mula 2031 hanggang 2036.
Ayon sa PAL, Middle East conflict pa rin ang pangunahing risk sa second-half outlook dahil sa epekto nito sa fuel prices, inflation at travel demand. Nanatili namang matatag ang international demand at kumikita pa rin ang domestic operations kahit mas sensitibo ito sa fare increases. /Bistado


