Pinagtibay ng Pilipinas at Vietnam ang isang taong kasunduan para sa 1.5 milyong metriko toneladang bigas, para matiyak ang tuloy-tuloy na suplay hanggang April 2027.
Napagkasunduan ang rice supply deal matapos makipagpulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay newly elected Vietnam Prime Minister Lê Minh Hưng sa sidelines ng ASEAN Summit sa Cebu noong May 7.
Ito ang kauna-unahang ASEAN Summit ni Lê bilang bagong lider ng Vietnam. Ginunita rin ng dalawang lider, kasama ang ilang kalihim at opisyal, ang ika-50 anibersaryo ng diplomatic relations ng Pilipinas at Vietnam.
Tinalakay sa pulong ang pagpapalawak ng kooperasyon sa kalakalan, turismo, agrikultura, at ekonomiya.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., mahalaga ang kasunduan dahil Vietnam ang pangunahing pinagkukunan ng bigas ng Pilipinas. Itinulak ang matatag na pag-aangkat dahil sa tumataas na demand sa rehiyon, krisis sa Gitnang Silangan, at posibleng epekto ng panibagong El Niño sa agricultural production.
Sinabi ni Tiu Laurel na nais ng Vietnam na magtatag ng pangmatagalang trade framework para sa bigas at iba pang agricultural products.
“Maging ang Vietnamese prime minister ay paulit-ulit na binigyang-diin ito sa bilateral meeting,” dagdag niya.
“Napakahalaga ng pagtiyak sa import volume hanggang sa susunod na Abril sa gitna ng mga geopolitical uncertainty at panganib dulot ng klima,” ani Tiu Laurel.
Ayon sa kalihim, mahalaga ang stable at predictable supply para makatulong sa pagpapanatiling matatag ng presyo ng bigas.
Bigas ang pangunahing pagkain ng mga Pilipino at may malaking epekto sa inflation. Noong April, umabot sa 7.2 percent ang inflation, ang pinakamataas nitong antas sa nakalipas na tatlong taon.
Napagkasunduan na rin ng Pilipinas at Vietnam ang presyo at logistics ng kalakalan. Pumayag ang magkabilang panig sa USD450 kada metriko tonelada para sa tanyag na DT8 rice.
Bagama’t nakatuon sa bigas ang negosasyon, maaari rin itong magsilbing modelo para sa mas malawak pang kooperasyong pang-agrikultura.
“Bahagi ito ng ating layunin na mas mapalalim pa ang kalakalan sa pagitan ng mga bansang ASEAN—isa pa itong hakbang tungo sa mas matatag na regional integration,” ani Tiu Laurel.
Bukod sa pagtiyak ng sapat na suplay para sa local consumption, layunin ng kasunduan na bawasan ang epekto ng pabago-bagong merkado at makatulong sa pagpapatatag ng presyo ng bigas sa local market.
Binigyang-diin din ni Tiu Laurel na patuloy na pinananatili ng Manila ang iba’t ibang alternative supply sources para matiyak ang katatagan sa harap ng nagbabagong kondisyon ng regional markets. /Bistado


