Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

PH rowing team nag-uwi ng 3 ginto mula sa Pattaya

Nag-uwi ang Team Philippines ng tatlong ginto at isang pilak mula sa Asian Rowing Beach Sprint Championships na ginanap sa Pattaya, Thailand.

 Nasungkit ni Emman Pilar ang gintong medalya sa Under-16 Coastal Men’s Solo habang nag-uwi si Matt Jugadora ng pilak sa Under-19 Coastal Men’s Solo sa Jomtien Beach.

Sa huling araw ng kompetisyon noong Linggo, nagdagdag ng dalawa pang gintong medalya mula sa Under-19 Coastal Women’s Double Sculls sina Ayonna Huerto at Khayzie Caviltes; at sa Under-16 Coastal Men’s Double Sculls sina Kyle Olano at Pilar.

Tinawag na “stunning, positive development” ni Philippine Sports Commission Chairperson Patrick Gregorio ang tagumpay ng Pilipinas sa torneo na ginanap unang linggo ng Hunyo.

Bilang dating pangulo ng Philippine Rowing Association (PRA), kilala ni Gregorio sina Pilar at Jugadora.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno, natuklasan at nahubog ang mga batang atleta, mga anak ng mangingisda at tubong Ternate, Cavite.

“They are the treasures of the Philippine seas,” ani Gregorio.

Ang beach sprint rowing ay may ibang format kumpara sa tradisyunal na rowing. Pinagsasama nito ang pagtakbo sa dalampasigan, open-water rowing, pag-ikot sa mga buoy at sprint racing.

Ayon kay Gregorio, ang format na ito ay angkop sa mga Pilipino dahil sa kanilang natural na lakas, bilis at balanse

Si Gregorio ang lumikha ng pambansang grassroots program na isinulong din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may temang “From Grassroots to Gold. From Gold to Greatness.”

“We are looking at future Olympians in Pilar and Jugadora,” dagdag ni Gregorio, na umaasang makakasama sila sa maikling listahan ng mga Pilipinong rower na nag-Olympics.

Si Edgardo Maerina ang unang nakapasok sa Olympics sa Seoul noong 1988, sinundan ni Benjie Tolentino sa Sydney noong 2000, Cris Nievarez sa Tokyo noong 2020 at Joanie Delgaco sa Paris noong 2024.

Si Delgaco ang kauna-unahang babaeng rower mula sa Pilipinas na nagkwalipika para sa Olympics.

“She will not be the last,” ani Gregorio.

Lumaban ang Philippine rowing team sa Pattaya dala ang lungkot ng pagpanaw ni PRA chairperson Benjamin Ramos, na noong 1985 ay tumulong sa paghubog ng kinabukasan ng mga boating sports sa bansa.

“We go into this competition heavy-hearted, but deeply committed to honoring his memory and his vision for the sport through our,” pahayag ng koponan sa simula ng kumpetisyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles