Pinayuko ng Chinese Taipei ang Alas Pilipinas, 25-16, 25-14, 25-10, upang maselyuhan ang puwesto sa semifinals sa AVC (Asian Volleyball Confederation) Women’s Volleyball Cup sa Candon City Arena sa Ilocos Sur nitong Huwebes.
Galing sa pahinga ang Pilipinas ngunit hindi pa rin umubra sa kalibre ng Taiwan at tuluyan nang nasibak sa medal round.
Ang Pilipinas, na may kartadang 2-3, ay bumagsak sa classification phase kung saan umaasa itong makakuha ng mahahalagang puntos para sa ranking.
Samantala, nakuha ng Taipei ang unang puwesto sa Group A sa pamamagitan ng perpektong 4-0 rekord at magkaroon ng pagkakataong mapaganda ang kanilang bronze-medal finish noong isang taon.
Pinangunahan ni Wan-Yun Hsu ang mga Taiwanese sa kanyang 14 puntos.
Tatangkain nilang walisin ang kanilang grupo sa pagsagupa sa kapwa walang talong South Korea ngayong Biyernes.
Ang top scorer ng Alas Pilipinas na si Alyssa Solomon ay nakapagtala lamang ng anim na puntos. Nagdagdag sina Ces Molina at Nina Ytang ng tig-tatlong puntos.
Pumasok din sa semifinals ang South Korea matapos talunin ang Australia, 25-18, 25-15, 25-19.
Sigurado na rin ang three-time defending champion Vietnam at Kazakhstan sa semifinals matapos manguna sa Pool B.
Ang Vietnam, na hindi pa natatalo ng kahit isang set sa torneo, ay nagpakita ng matinding depensa at napwersa ang Iran sa 22 errors tungo sa 25-19, 25-20, 27-25 panalo.
Ito ang ikaapat na sunod na panalo ng Vietnam habang bumagsak ang Iran sa 1-3.
Tatangkain ng Vietnam na walisin ang Pool B sa kanilang laban kontra sa kapwa walang talong Kazakhstan (4-0) ngayong Byernes din.
Haharapin naman ng Iran ang Hong Kong (1-3).
Nanguna si Thuy Tran para sa Vietnam sa kanyang 21 puntos mula sa 19 attacks at dalawang blocks.
Nagtulungan sina Thi Bich Thuy Tran at Thi Thuy Dinh para sa kabuuang 20 puntos.
Pinangunahan ni Fatemeh Khalili Chermahini ang Iran sa kanyang 18 puntos mula sa 14 spikes, isang block at tatlong aces, habang nagdagdag si Sepinood Dastbarjan ng walong puntos.
Dinurog naman ng Kazakhstan ang Lebanon, 25-11, 25-19, 25-14, upang maitala ang ikaapat nitong sunod na panalo at masiguro ang No. 1 spot sa Group B na may 12 puntos, angat ng bahagya sa Vietnam (11).
Pinangunahan nina Ekaterina Mikhailova at Dinara Razakberlina ang Kazakhstan sa kanilang 14 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod, habang nagdagdag si Bota Uatayeva ng siyam na puntos.
Para sa Lebanon, tanging si Shantalle Marie Demirjia ang nakapagtala ng double-digit score sa kanyang 13 puntos.
Ang Lebanon, na nagtamo ng ikaapat nitong pagkatalo, ay maghahangad ng unang panalo laban sa Indonesia (2-2) ngayong araw.


