Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

PH lacrosse teams, tatangkain umabot sa LA Olympics 2028

Pasok na ang Philippine men’s at women’s teams sa 2027 World Lacrosse Sixes Championships sa Colorado, USA, na magsisilbing qualifying tournament para sa 2028 Olympic Games.

Inanunsyo ng World Lacrosse ang kwalipikasyon ng Pilipinas sa kanilang Facebook page.

Parehong nakakuha ng puwesto ang dalawang koponan ng Pilipinas sa pamamagitan ng Asia-Pacific Sixes Championships sa Australia na nagtapos nitong Sabado.

Matapos matalo sa China, 14-15, sa kanilang unang laro noong Oktubre 5, dinurog ng men’s team ang South Korea, 22-7, kinabukasan upang masiguro ang puwesto sa World Championships.

Nakaganti ang koponan laban sa China, 17-9, upang masungkit ang bronze medal.

Samantala, tinalo ng women’s squad ang China, 16-15, at New Zealand, 14-12. Natalo naman ito sa Australia, 3-24, bago dinurog ang Singapore, 21-3.

Nabigo ang koponan na makuha ang bronze medal matapos matalo sa South Korea, 11-16.

Tinalo ng Japan ang host Australia, 9-8, upang masungkit ang gintong medalya sa women’s division.

Bumawi naman ang Australia sa men’s finals matapos nitong talunin ang Japan, 14-13.

“I hope everyone at home is following our story. We’ve been training for years for this chance,” pahayag ni women’s team coach Jade West.

Ang lacrosse ay isang mabilisang team sport kung saan gumagamit ang mga manlalaro ng mahabang stick na may lambat sa dulo (crosse) upang saluhin, dalhin, ipasa at ihagis ang maliit na gomang bola papasok sa goal ng kalaban.

Layunin ng mga manlalaro na maipasok ang bola sa lambat na may sukat na anim na talampakan por anim na talampakan, lampas sa goalkeeper. Bawat karaniwang goal ay katumbas ng isang puntos.

Hindi maaaring hawakan ng mga manlalarong nasa field ang bola gamit ang kanilang mga kamay. Tanging ang goalkeeper lamang ang maaaring gumamit ng mga kamay sa loob ng itinalagang goal area.

Ang 2027 World Lacrosse Sixes Championships, na gaganapin sa Oktubre 4-10, 2027, ang magsisilbing pangunahing qualifying tournament para sa Los Angeles 2028 Olympics.

Limang koponan sa men’s at women’s divisions ang makakakuha ng direktang puwesto sa Olympics. Anim pang koponan ang uusad sa huling qualifying tournament para sa natitirang puwesto.

Ang LA 2028 ang ikatlong pagkakataon lamang na mapabilang ang lacrosse sa Olympic Games, kasunod ng mga edisyon noong 1904 sa St. Louis at 1908 sa London.

Naging demonstration sport din ito sa Amsterdam noong 1928, Los Angeles noong 1932 at London noong 1948.

Inaprubahan ng International Olympic Committee (IOC) noong nakaraang taon ang pagsasama ng lacrosse sa 2028 Olympics.

Sa 2028, lalaruin ang men’s at women’s lacrosse sa sixes format, isang mas mabilis at mas compact na bersiyon ng sport na pinagsasama ang mga elemento ng field lacrosse at box lacrosse.

“There is no greater designation than to be recognized as an Olympic sport. The global lacrosse family has been passionately working toward reaching this pinnacle for more than a decade. This seminal achievement would not have been possible without the effort of many visionary and dedicated individuals who collectively recognized that Olympic inclusion is the most significant catalyst for the continued growth of a sport,” pahayag ni World Lacrosse president Sue Redfern.

“I offer our sincere gratitude to LA28 and the IOC for allowing us to realize our vision; now is our time to shine and show the world how lacrosse contributes to a better tomorrow.”

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles