Humabol ang Choco Mucho upang talunin ang Capital1, 22-25, 18-25, 25-17, 25-20, 15-8, sa pambungad na laro ng Premier Volleyball League (PVL) Season 10 sa SM Seaside Cebu Arena nitong Sabado.
Nanguna si Eya Laure sa Flying Titans sa naitalang 22 puntos, 11 excellent digs at 15 receptions, na naghatid sa kanya ng unang Best Player of the Game award ng Siklab Series, ang una sa tatlong kumperensiya ng PVL na inorganisa ng Sports Vision.
“We worked really hard for this win and we knew we had to earn it. We kept reminding one another that we had each other’s backs. No matter what happened, we had to keep fighting and trust the process,” pahayag ni Laure, na naghatid ng mahahalagang puntos sa ikaapat na set at sa deciding set.
Nagpakawala rin ang tubong Cebu na si Sisi Rondina-Rosales, na tulad ni Laure ay nagtapos sa University of Santo Tomas, ng sunod-sunod na malalakas na atake upang makapagtala ng 12 puntos, habang nagdagdag naman ng 11 puntos ang middle blocker na si Maddie Madayag.
Nag-ambag si Katrina Tolentino ng walong puntos, sinundan ni Caitlin Viray na may anim, habang tiglilimang puntos naman ang naitala nina Lorene Toring at Jewel Encarnacion.
“They accepted my challenge after the second set. I really channeled my anger toward them. I told them, I don’t care if you’re skilled. What I need is a team that wants to win,” pahayag ni Choco Mucho coach Dante Alinsunurin matapos ang 73 minutong laban.
“They were likely challenged, which is why I am so grateful for their response. But I hope this isn’t just for now. I hope they can do even more in our next game.”
Nanguna naman si Erika Mae Santos sa Solar Spikers sa kanyang 22 puntos, kabilang ang 20 mula sa mga atake.
Nagtala si Michaela Belen ng 15 puntos mula sa 13 atake at dalawang block, bukod pa sa 10 digs at 15 excellent receptions.
May 15 puntos din si Vanessa Gandler, kabilang ang dalawang block at dalawang service ace.
Sa ikalawang laro, winalis ng Creamline ang Akari, 25-18, 25-21, 25-18, na napanood ng 19,106 fans.
“Sobrang sarap sa pakiramdam na lahat kami nag-contribute. This is what we train for, at sana magtuloy-tuloy ito,” ani Jema Galanza, na gumawa ng 16 points at tinanghal na Best Player.


