Tinaasan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang minimum access volume (MAV) ng pork imports ng 150,000 metric tons kada taon sa loob ng dalawang taon para punan ang kakulangan sa suplay at patatagin ang presyo ng baboy.
Sa Executive Order No. 116 na nilagdaan noong May 19, itinaas ang MAV para sa pork meat sa MAV Year 2026 mula 54,210 metric tons tungo sa 204,210 metric tons.
Ginawa ang hakbang habang patuloy na kumakalat ang African swine fever (ASF), na nagpababa nang malaki sa national swine inventory.
Ayon sa EO 116, nagdulot ang ASF ng “substantial supply shortfall and persistently elevated pork price,” na nagpataas ng food costs at tumama sa consumers.
Layunin ng kautusan na dagdagan ang suplay, pababain ang retail prices, patatagin ang inflation, at protektahan ang consumer welfare.
“There is an urgent need to address the existing supply gap in pork, ensure adequate and affordable food for consumers, and mitigate inflationary pressures,” nakasaad sa order.
Nauna nang inirekomenda ng MAV Management Committee (MMC) ang dagdag import volume sa loob ng dalawang taon para matiyak ang availability at affordability ng pork at processed meat products, at mabawasan ang pressure sa presyo ng basic commodities.
Kaugnay din ito ng Executive Order No. 110 na inilabas noong March 24, 2026, na nagdeklara ng state of national energy emergency at nag-utos ng whole-of-government approach para protektahan ang economic stability at pigilan ang taas-presyo ng essential goods.
Sa ilalim ng EO 110, inaatasan ang Department of Agriculture (DA) na tiyakin ang sapat na suplay at availability ng food products sa pinakamababang posibleng gastos.
Inatasan din ang MMC na tiyakin ang patas na alokasyon ng imported pork volumes. Sa dagdag na 150,000 metric tons, 30,000 metric tons ang ilalaan sa processors, habang 120,000 metric tons ang para sa Food Terminal, Inc. o Kadiwa ng Pangulo Program.
Kailangan ding maglabas ang MMC ng implementation guidelines sa loob ng 30 araw mula sa effectivity ng order.
Isinapubliko ang EO 116 nitong Huwebes. Agad itong epektibo matapos mailathala sa Official Gazette o sa pahayagang may general circulation. /Bistado


