ORION, Bataan – Mapayapang naresolba ng Philippine National Police (PNP) ang isang hostage-taking incident sa Orion, Bataan noong May 19, matapos mailigtas ang isang babae sa maingat na negosasyon ng mga awtoridad.
Batay sa ulat, rumesponde agad ang Orion Municipal Police Station matapos makatanggap ng tawag mula sa barangay tungkol sa isang lalaking armado ng patalim na umano’y nagbihag sa kanyang asawa sa loob ng kanilang bahay.
Pagdating ng mga pulis, nadatnan nila ang suspek na hawak sa leeg ang biktima habang tinututukan ng kutsilyo. Nagbabanta rin umano siyang sasaktan ang biktima.
Sa kabila ng tensyon, nanatiling kalmado ang mga awtoridad para matiyak ang kaligtasan ng biktima at maiwasan ang kapahamakan.
Dumating sa lugar sina PCOL Maritess A. Salvadora, Provincial Director ng Bataan PPO, at PMAJ Madtaib M. Jalman, Chief of Police ng Orion MPS, para pangunahan ang negosasyon.
Sa tuloy-tuloy at mahinahong pakikipag-usap, boluntaryong sumuko ang suspek. Walang nasaktan sa insidente.
Narekober sa lugar ang isang kitchen knife at isang gunting na may matulis na dulo na ginamit umano ng suspek sa pananakot sa biktima.
Nasa kustodiya na ng Orion MPS ang suspek habang inihahanda ang kasong hostage-taking sa ilalim ng Article 267 ng Revised Penal Code.
Nahaharap din siya sa paglabag sa Republic Act 9262, o Violence Against Women and Their Children Act.
Isinailalim naman ang biktima sa medico-legal examination at counseling assistance sa tulong ng kinauukulang ahensya. /Bistado


