Matapang na lumaban ang Rain Or Shine sa Barangay Ginebra at sa libo-libong fans upang makamit ang 97-85 panalo at itabla ang kanilang semi final duel sa PBA Season 50 Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City nitong Miyerkules.
Gayundin sa second game kung saan nagtapat ang parehong bagong import, nanaig ang Meralco kontra TNT at gawin 2-2 ang laban, 101-90.
Gaganapin ang Game 5 sa Biyernes sa Big Dome muli.
“Eto lang ang gusto namin, pahabain ang series. The longer the series goes, we have a chance. Chance lang naman,” ani ROS coach Yeng Guiao.
“I feel our longer rotation, our bench can help out if we can extend it to six or seven games. We’re really just trying to prolong the series,” dagdag nya.
Napigilan ng foul trouble ang import na si Jaylen Johnson at nagtapos lamang na may 13 puntos at 12 rebounds sa loob ng 26:18 na minuto ng laro. Nakuha niya ang kanyang ikalimang foul na may mahigit pitong minuto pang natitira.
Mula sa bench, nagtala si Christian Manaytay ng 11 puntos, tatlong rebounds at isang assist sa loob ng 18 minuto upang makuha ang Best Player honors.
“Nag-usap-usap kami that we have to hold them off. That’s our job as locals,” ani Manaytay.
Nakuha pa rin ni Justin Brownlee ang kanyang mga numero — 27 puntos at 10 rebounds — habang umiskor si Scottie Thompson ng 20.
Si Japeth Aguilar, na kakabalik lamang mula sa injury, ay nagtala ng 10-10 double-double.
Ngunit hindi na nakaalpas ang Ginebra sa maagang pasabog ng Rain Or Shine na umabot pa sa 26 puntos ang kalamangan sa halftime, 58-36.
Sa second game, tinubos ni CJ Cansino ang Meralco para sa 101-90 panalo kontra TNT.
Matatandaan na sa Game 3 noong Linggo, mintis ang drive ni Cansino na humantong sa 75-77 talo.
Ang four-pointer ni Cansino ang nagpalayo sa Bolts mula sa 83-90 iskor, may 1:21 pa sa orasan.
Nawala ang momentum ng Tropang 5G habang sunod-sunod silang nagkamali sa kanilang mga huling pagsalakay, habang sina Javee Mocon at Cliff Hodge naman ang nagselyo sa scoring na nagtabla sa best-of-seven series.
Nagtapos si Cansino na may 17 puntos upang samahan ang 20 puntos at 13 rebounds ng bagong import na si Patrick Gardner bago ito ma-foul out habang hawak ng Bolts ang alanganing 93-87 kalamangan, may 3:26 pang natitira.
“Siguro mas natuto lang kami sa past games namin and ‘yung composure namin mas kailangan pa naming diinan pa kasi ganun palagi nagiging problema namin, eh,” ani Cansino, na may pre-game average lamang na 8.3 puntos.
“Masaya kami na hindi nangyari iyon ngayon and hopefully madala namin iyong confidence na ibinigay ng game na ito sa mga next games pa.”
Masaya rin si Meralco coach Luigi Trillo sa pagpapanatili ng composure nila sa endgame.
“We had to stay positive and the guys pulled through eventually in the fourth,” aniya.
“They found their rhythm there even with Patrick fouling out. I thought we did a good job as a team keeping our poise not only on offense but defense as well.”
Nagbabala naman si TNT import Chris McCullough kung ano pa ang kaya niyang maabot kapag mas handa na siya.
Sa kanyang unang laro pa lamang sa pagbabalik sa PBA, nagtala agad ang import ng game-high na 24 puntos at muntik nang makapag-double-double sa isang rebound lamang.
“I’ve only been two days in practice, so tomorrow (Thursday) we’re going to work on some things, but as I said, it’s going to be worth it to come back Friday,” ani McCullough, na nagtala rin ng tatlong blocks at dalawang assists sa loob ng 36 minuto.
Kitang-kita ang kakulangan sa preparasyon dahil pito lamang sa kanyang mga tira ang pumasok, mintis sa lahat ng lima niyang three-pointers at may apat na turnovers.
“This is my first time picking up a basketball in 13 days, so I’m still getting my rhythm, still getting my flow, but once I get going, it’ll be scary,” sabi pa ng four-year NBA veteran.
“It’s taking one game at a time, we’ve got a game Friday, one game at a time, get a win, come back and that’s it,” dagdag niya.


