Pinirmahan ng Clark International Airport Corporation (CIAC) at Jamco Philippines Inc. ang P600-million expansion agreement nitong June 23, 2026, na magpapalawak sa aircraft interiors manufacturing operations ng kumpanya sa Clark Aviation Capital.
Nilagdaan ang kasunduan nina CIAC President and Chief Executive Officer Joseph Alcazar at Jamco Philippines President Giovanni Atzei.
Sa ilalim ng deal, maglalagak ang Jamco Philippines ng hindi bababa sa P600 million hanggang 2028, kung kailan inaasahang fully ramped up na ang expanded facility.
Ililipat din sa Clark ang bahagi ng production base ng kumpanya mula Japan, na tututok sa final assembly ng aircraft interiors para sa global aerospace manufacturers gaya ng Airbus at Boeing.
Ayon sa CIAC, pinatitibay ng agreement ang posisyon ng Clark bilang umuusbong na aviation at aerospace hub sa rehiyon, habang inililipat ang operasyon mula basic manufacturing tungo sa mas high-value at export-oriented aerospace production.
Inaasahang lalawak ang workforce ng Jamco Philippines mula sa humigit-kumulang 450 hanggang 1,400 employees, na lilikha ng dagdag na technical jobs at magpapalalim ng local expertise sa aerospace manufacturing.
Palalakasin din ng proyekto ang papel ng Clark sa global supply chains, dahil inaasahang ipapadala ang finished components sa mga major aerospace hub sa Europe at United States.
Dagdag pa ng CIAC, nakaangkla ang investment sa long-term strategy ng Clark na makahikayat ng technology-driven industries at gawing competitive manufacturing base sa Asia ang aviation complex. /Bistado


