Tatlong high-value drug personalities ang naaresto sa buy-bust operation ng pulisya sa Zone 5, Barangay Divisoria, Zamboanga City noong Abril 17, kung saan nasabat ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P47.6 milyon.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), isinagawa ang operasyon bandang 5:35 ng hapon sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Pinangunahan ang operasyon ng pinagsanib na pwersa mula sa Police Station 4, City Intelligence Unit, at City Intelligence Division Management Unit ng Zamboanga City Police Office, katuwang ang Regional Intelligence Division 9, S2 ng Regional Mobile Force Battalion 9, 1st Special Operations Unit ng PNP Maritime Group, at PDEA Regional Office 9.
Sa operasyon, nakumpiska ang tinatayang 7,000 gramo ng hinihinalang shabu. Narekober din ang buy-bust money at iba pang non-drug items sa pinangyarihan ng transaksyon.
Ang mga naarestong indibidwal ay nasa kustodiya ng Police Station 4 ng Zamboanga City Police Office para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaso sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon sa PNP, bahagi ang operasyon ng kanilang patuloy na intelligence-driven campaign laban sa iligal na droga, na nakatuon sa pag-target sa mga high-value individuals.
Binigyang-diin ni PNP Chief PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang pagpapatuloy ng operasyon laban sa ilegal na droga.
“We will continue to intensify our operations against individuals who persist in engaging in illegal drug trade. They will face the full force of the law,” ani Nartatez. /Bistado


