Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Presyo ng pagkain, nanatiling kontrolado kahit mataas ang langis — DA

Nanatiling matatag ang presyo ng mga pangunahing pagkain sa kabila ng mataas na presyo ng langis, ayon sa Department of Agriculture (DA), dahil sa sapat na suplay na sumasalo sa epekto ng mas mahal na logistics.

Batay sa monitoring ng Agribusiness and Marketing Assistance Service, iilan lamang ang produktong tumaas ang presyo matapos ang airstrike ng US at Israel sa Iran noong February 28. Kabilang dito ang imported na bigas at lokal na karne ng baka at baboy.

Sa kabilang banda, nanatiling stable o bumaba ang presyo ng karamihan sa alternatibong protina tulad ng manok, itlog, isda at gulay hanggang nitong April 13.

Malaking salik umano ang pagbuti ng suplay. Matapos ang fishing ban noong January 31, dumami ang huli ng galunggong at tamban, na nagresulta sa pagbaba ng presyo. Ang galunggong ay bumaba hanggang P200 kada kilo mula sa dating P330, habang ang tamban ay bumaba sa P130 mula sa dating P140 kada kilo.

Sa gitna ng pagtaas ng presyo ng imported na bigas, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pinag-aaralan ang isang executive order para magtakda ng P50 kada kilo na price cap, kasunod ng pag-akyat ng presyo sa ilang pamilihan hanggang P60 kada kilo.

Ayon sa DA, habang tumataas ang gastos sa transportasyon dahil sa mahal na langis, nasasalo ito ng sapat na lokal na produksyon. Gayunman, nananatili ang panganib kung magpapatuloy ang pabago-bagong presyo ng langis, lalo na sa imported na produkto at transport ng kalakal.

Sinabi ni Assistant Secretary Genevieve Velicaria-Guevarra na patuloy na minomonitor ng DA Bantay Supply and Monitoring Team ang presyo at suplay ng mga pangunahing bilihin sa buong bansa.

Kabilang sa binabantayan ang bigas, mantika, asukal, karne ng baboy, baka at manok, pati tilapia, bangus, itlog at mga gulay. Batay sa pinakahuling datos, nananatiling stable ang retail prices at patas ang farmgate prices sa kabila ng mataas na presyo ng langis.

Ipinapakita rin ng datos na sapat ang suplay sa merkado, kasabay ng indikasyon ng paghina ng demand habang pinipilit ng mga pamilya na i-manage ang kanilang gastusin. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles