BURGOS, Ilocos Norte – Nadagdagan ang pangkabuhayan ng mga magsasaka sa Ilocos Norte matapos sumali ang isa pang bayan sa national carabao upgrading program, sa pamamagitan ng P1.2-million dairy buffalo entrustment program.
Kinumpirma ito nitong Huwebes ni Joel Cabading, center director ng Philippine Carabao Center (PCC) sa Mariano Marcos State University sa Batac City, matapos i-turn over ang mga kalabaw sa mga miyembro ng Small Water Irrigation System Association Inc.
Ang mga benepisyaryo ay direct agrarian reform beneficiaries (ARBs) din sa bayan ng Burgos.
Ayon kay Cabading, hindi bababa sa 10 kalabaw o dairy buffaloes ang naipamahagi sa farmer-recipients ngayong linggo, habang 11 pa ang nakatakdang i-entrust sa June.
Pinondohan ng PCC ang programa na nagkakahalaga ng P1.2 million. Layunin nitong palakasin ang dairy production sa probinsiya.
Hindi lang Burgos ang sakop ng carabao development program. Lumalawak din ito sa farmers’ associations sa Batac City, Dingras, at Paoay sa second district ng Ilocos Norte.
Isinasagawa ang programa ng PCC katuwang ang local government units at support agencies gaya ng Department of Agrarian Reform at Department of Social Welfare and Development.
Layunin nitong i-promote, paramihin, at pangalagaan ang carabao bilang source ng milk, meat, draft power, at hide para makinabang ang rural farmers.
Mas mataas ang potensyal na kita sa crossbred dairy buffaloes kesa native carabaos. Ayon sa material, kaya ng mga crossbred dairy buffaloes na mag-produce ng doble ang dami ng gatas, hanggang five liters daily.
“This means more income for farmers with upgraded buffaloes,” ani PCC Deputy Executive Director Edwin Atabay sa hiwalay na media interview.
Sa ilalim ng entrustment program, kailangang dumaan sa training ang recipient farmers sa proper animal management, milk production, at processing.
Inaasahang makatutulong ang programa sa pagpapataas ng milk production sa Ilocos Norte. Target din nitong magbigay ng steady supply para sa local markets at school feeding programs habang pinapalakas ang socio-economic status ng agrarian reform beneficiaries sa Nagsurot village at mga karatig-lugar.
Noong nakaraang taon, naging direct beneficiaries din ang ARBs ng Nagsurot sa P40-million farm-to-market road, na ginagamit ngayon para pasiglahin ang economic growth sa rural farming communities. /Bistado


