Sumusoplak na umano ang dating malakas na national support kay Vice President Sara Duterte, matapos ipakita ng pinakabagong OCTA Research survey na nangunguna ang hypothetical Robredo–Tulfo tandem laban sa Sara Duterte–Imee Marcos pairing para sa posibleng 2028 matchup.
Ayon kay House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur, ang Q1 2026 Tugon ng Masa survey ay senyales ng lumalaking public scrutiny sa mga isyung hindi pa nasasagot ng Vice President.
“Tinamaan na si Sara. Ayaw kasi humarap. Panay tago, panay presscon, panay atake sa proseso. Kapag ang ebidensya ay hindi sinasagot sa tamang forum, ang publiko mismo ang magsisimulang magtanong kung bakit takot humarap,” ani Alonto Adiong, chair ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms.
Batay sa OCTA Research, nakakuha ang Robredo–Tulfo tandem ng 44 percent support nationwide, kumpara sa 40 percent ng Duterte–Marcos tandem. Nasa 16 percent ang undecided.
Inilarawan ng OCTA ang resulta bilang “narrow national lead” at “a significantly more competitive tandem landscape entering 2026.”
Isinagawa ang survey mula March 19 hanggang 25, 2026 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 respondents na edad 18 pataas at pinili sa probability sampling. May ±3 percent national margin of error ito sa 95 percent confidence level.
Ayon sa OCTA, ang subnational estimates para sa NCR, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao ay may ±6 percent margin of error. Binigyang-diin din nito na ang findings ay “early-stage hypothetical vote-intention measure” at dapat ituring bilang “snapshot of current public sentiment, not as a prediction of electoral outcomes.”
Kinilala ni Alonto Adiong ang cautionary note ng OCTA, pero sinabi niyang may malinaw pa ring political signal ang resulta.
“Hindi ito prediction, pero malinaw itong senyales. Kung dati malayo ang lamang ng Duterte–Marcos alignment, tapos ngayon nauunahan na sila, may nangyari. Ang nangyari: sumisigaw ang ebidensya, pero ang kampo ni VP Sara, panay iwas,” ani Alonto Adiong.
Ayon sa OCTA report, ito ang “first recorded instance in OCTA’s comparable TNM tandem match-up surveys” kung saan numerically nalampasan ng Robredo-led tandem ang Duterte–Marcos alignment sa direct hypothetical preference test.
Dagdag ng report, ang commissioned Tugon ng Masa surveys nitong nakaraang taon ay karaniwang nagpapakitang lamang ang Duterte–Marcos ng humigit-kumulang 15 hanggang 25 percentage points.
Iniugnay ni Alonto Adiong ang shift sa impeachment allegations laban kay Duterte: alleged misuse of public funds, unexplained wealth, bribery, at threats laban kina President Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at former Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Binanggit din niya ang 257-25 vote ng House, na may nine abstentions, para i-impeach si Duterte at ipadala ang Articles of Impeachment sa Senate para sa trial.
“Pareho ang mensahe ng House vote at ng survey: hindi na sapat ang apelyido, hindi na sapat ang ingay, hindi na sapat ang makinarya. Kapag ang tanong ay accountability, kailangan mong humarap at sumagot,” ani Alonto Adiong.
Sa regional breakdown, nanguna ang Robredo–Tulfo sa NCR na may 61 percent, Balance Luzon na may 57 percent, at Visayas na may 48 percent. Dominante pa rin ang Duterte–Marcos sa Mindanao na may 86 percent, habang nakakuha ito ng 23 percent sa NCR, 23 percent sa Balance Luzon, at 40 percent sa Visayas.
Ayon kay Alonto Adiong, solid pa rin ang Mindanao base ni Duterte, pero hindi nito binubura ang national accountability questions.
“Malakas pa rin siya sa Mindanao, pero hindi pwedeng Mindanao lang ang sagot sa national accountability. Kung ang usapin ay confidential funds, unexplained wealth, bribery, at threats against top officials, buong Pilipinas ang may karapatang magtanong,” ani Alonto Adiong.
Tinukoy din niya ang Visayas, na inilarawan ng OCTA bilang strategically contested matapos makakuha ang Robredo–Tulfo ng 48 percent kontra 40 percent ng Duterte–Marcos. Tinukoy din ng OCTA ang Balance Luzon bilang kritikal dahil sa electoral weight nito.
Nauna nang sinabi ni Alonto Adiong na 43 sa 50 lawmakers mula Visayas at 41 sa 61 lawmakers mula Mindanao ang bumoto pabor sa impeachment.
“Hindi na ito Luzon issue. Hindi na ito Manila issue. Kapag pati Visayas at Mindanao lawmakers ay bumoboto para sa impeachment, ibig sabihin seryoso ang tanong ng bayan: nasaan ang paliwanag?” ani Alonto Adiong.
Sa socioeconomic class, pinakamalakas ang Robredo–Tulfo sa Class D na may 47 percent, kasunod ang Class E na may 36 percent at Class ABC na may 35 percent. Pinakamataas naman ang Duterte–Marcos sa Class E na may 51 percent, kasunod ang Class D na may 39 percent at Class ABC na may 37 percent.
Sa Class ABC, 25 percent ang undecided. Nationwide, 16 percent ang undecided, o higit isa sa bawat pitong adult Filipinos.
“Yung undecided, hindi blank space iyan. Iyan ang mga botanteng naghihintay ng paliwanag, ebidensya, at tapang na humarap. Kung ang sagot mo pa rin ay tago, atake, at ad hominem, lalo mong itinutulak ang publiko palayo,” ani Alonto Adiong.
Giit niya, may pagkakataon pa rin si Duterte na sumagot sa Senate impeachment trial.
“Kung mali ang ebidensya, ilabas ang counterevidence. Kung may paliwanag, sabihin sa ilalim ng oath. Kung may depensa, iharap sa Senado. Pero kung ang gagawin lang ay magtago at sabihing lahat ng pumupuna ay bayaran, lalo lang nilang pinatutunayan na takot silang humarap sa rekord,” ani Alonto Adiong.
“The Constitution is alive and well only when powerful officials are made to answer. Hindi ito laban ng kulay o rehiyon. Laban ito ng ebidensya kontra palusot, accountability kontra impunity, at oath kontra no-show,” dagdag niya. /Bistado


