Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

DA: Importasyon last option lang, lokal na ani muna

Tiniyak ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na hindi pangunahing polisiya ng Department of Agriculture (DA) ang importasyon habang binabantayan ang presyo ng pagkain at suplay ng mga pangunahing bilihin.

Ayon kay Tiu Laurel, aangkat lamang ang gobyerno kapag may malinaw na kakulangan sa suplay na maaaring magpasirit ng presyo at tumama sa food security.

“Hindi unang opsyon ang importasyon — ito ang huli naming panangga,” saad ni Tiu Laurel sa isang pahayag. “Sa ilalim ng administrasyong ito, sinadya naming bawasan ang pagdepende sa imported na produkto. Bawat desisyon sa pagpapapasok ng imported na suplay ay sinusukat batay sa epekto nito sa mga magsasaka, mamimili, at pangmatagalang seguridad sa pagkain.”

Sa pagdinig ng Committee on North Luzon Growth Quadrangle ng House of Representatives noong May 13, inilahad ni Tiu Laurel ang paghahanda ng DA laban sa pabagu-bagong presyo ng langis at banta ng matinding El Niño sa huling bahagi ng taon.

Mahalaga sa plano ang Hilagang Luzon, na sumasaklaw sa Regions 1, 2, at Cordillera Administrative Region. May mahigit 2 milyong ektarya ito ng lupang sakahan na kritikal sa pambansang suplay ng pagkain.

Para bawasan ang pinsala ng El Niño, itinutulak ng DA ang greenhouse farming, water impounding at storage systems, drip irrigation, at solar-powered irrigation systems.

Isinusulong din ng kagawaran ang crop diversification para mabawasan ang pagdepende sa mga pananim na malakas sa tubig at mapatatag ang kita ng mga magsasaka.

Tinalakay din sa pagdinig ang pagtataas ng procurement price ng palay ng National Food Authority. Mula sa minimum na P17 kada kilo, itataas sa P22 kada kilo ang buying price para sa bagong aning palay.

Para sa tuyong palay, mula P21 kada kilo, gagawing P27 kada kilo ang buying price simula Setyembre, depende sa pagtaas ng presyo ng abono.

“May sapat na pondo at kapasidad sa imbakan ang NFA upang mapanatili ang mas mataas na farmgate prices pagsapit ng Setyembre,” aniya.

Binigyang-diin ni Tiu Laurel na palalakasin ng DA ang lokal na produksyon, logistics, koordinasyon sa local governments at industry stakeholders, at forecasting systems para mas maagang matukoy ang posibleng supply shortage.

Isinasagawa rin ang data harmonization sa pagitan ng Philippine Statistics Authority at DA para mapahusay ang production planning at access sa tama at napapanahong impormasyon.

“Hindi namin gagawing normal ang importasyon,” aniya sa pahayag. “Gagamit lamang nito kapag tunay nang bumagsak ang suplay, tuluyang sumipa ang presyo, at nanganganib na ang mga mamimili. Simple ang aming prayoridad: palakasin muna ang lokal na agrikultura, at mag-import lamang kung talagang hindi na maiiwasan.” /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles