Suportado ng House prosecution panel ang posibleng fraud audit ng Commission on Audit (COA) sa confidential fund transactions ng Office of the Vice President (OVP), ngunit nilinaw nitong pinag-aaralan pa lamang ang hakbang at wala pang aktuwal na audit na sinisimulan.
Sinabi ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon nitong Biyernes na hiwalay ang fraud audit sa regular confidential fund audit na nagresulta sa notices of disallowance at desisyong nagsasaad na dapat isauli ang mahigit ₱73 milyon mula sa pondo ng OVP.
“Very relevant po iyong binabanggit ng COA nitong nagdaan, which is the fraud audit,” ani Ridon.
“So ibig sabihin, this is an entirely separate discussion already doon po sa level ng Commission on Audit, and it is something that we would support,” dagdag niya.
Sa impeachment hearing, sinabi ni COA–Intelligence and Confidential Funds Audit Office auditor Xylene Del Campo na wala pang isinasagawang fraud audit. Pinag-aaralan pa umano ito, bagama’t maaaring maglunsad ang COA ng ganitong pagsusuri kung matukoy nitong kinakailangan.
Iginiit ni Ridon na hindi pa tapos ang posibleng pagbusisi sa mga transaksiyon, dokumento at sinasabing recipients kahit may nauna nang naging aksiyon ang COA.
“Hindi pa saradong-sarado kahit mayroon pong credit memorandum na inilabas,” aniya.
“So kapag nagkaroon po ng fraud audit, particularly para silipin pa further kung paano nga ba winaldas itong pera na ito, I think that is something that will further the case of the prosecution on the misuse of confidential funds,” dagdag ni Ridon.
Tinalakay rin sa redirect examination ng prosecution ang ilang aktibidad na iniharap ng defense bilang accomplishments na pinondohan umano ng confidential funds.
Ayon kay House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, ipinakita sa testimonya na naganap ang ilan sa mga aktibidad bago pa nailabas ang confidential funds. Hindi aniya maaaring isama ang mga naunang gastos sa utilization o accomplishment report para singilin sa naturang pondo.
“Hindi po puwedeng retroactive iyong expenses ng confidential funds at hindi maaari mong i-reimburse doon ang mga activities ng inyong opisina na hindi sakop ng joint circular,” ani Alonto Adiong.
Kabilang sa inungkat sa hearing ang mahigit ₱400,000 na gastos para sa security detail ng Vice President sa isang biyahe sa Davao.
“Unang-una, ang activity na ito ay naganap bago i-release ang confidential funds,” aniya. “Pangalawa, iyong mga nasa isang ahensiya na kumukuha na ng regular funding ay hindi mo po puwedeng i-augment ang kanilang expenses doon sa confidential funds.”
Sinabi naman ni Ridon na hiwalay pang usapin ang paglilipat umano ng confidential funds sa mga tauhang hindi organic employees ng OVP o Department of Education (DepEd), anuman ang mga aktibidad na kalaunang inilista sa liquidation documents.
Binigyang-diin ng prosecution na nasa COA ang kapangyarihang magpasya kung magsasagawa ng fraud audit. Hindi rin dapat ituring na pinal na finding ang posibilidad ng naturang pagsusuri.
Kapag itinuloy, maaaring alamin ng fraud audit kung simpleng kakulangan sa dokumentasyon lamang ang mga irregularidad o bahagi ng mas malawak na scheme na posibleng kinasasangkutan ng false recipients, unsupported transactions o maling paghawak ng pera ng bayan.
Inaasahang ihaharap ng prosecution sa susunod na linggo ang mga opisyal na iniuugnay sa pag-withdraw at paghawak ng pondo, kabilang sina OVP Special Disbursing SOfficer Gina Acosta at dating DepEd special Disbursing Officer Edward Fajarda. /Bistado


